Pag-arangkada ng mga buwaya sa gitna ng pandemya, tutukan!
ni Ryan Sison - @Boses | September 17, 2021
Matapos mabunyang ang anomalya sa TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) Program, naghahanda na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot dito.
Paglilinaw ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, ang hakbang na ito ay preventive measure laban sa mga umaabuso sa kanilang programa.
Sa ilalim ng TUPAD program, tatanggap ng daily minimum wage na itinakda sa partikular na rehiyon ang manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya at iba pang uri ng kalamidad.
Matatandaang pansamantalang itinigil ang pamamahagi ng TUPAD program sa Quezon City matapos ireklamo ng mga benepisyaryo na ang kanilang natanggap ay P2, 000 lamang imbes na P7, 700 mula sa pagtatrabaho ng 14-araw.
Gayunman, binawi na ng kalihim ang suspensiyon ng programa at kasabay nito ang pagtiyak na matatanggap na nang buo ng mga benepisaryo ang ayuda dahil ang mga opisyal na ng barangay ang mangangasiwa.
Habang ipinaubaya na ng ahensiya ang sa NBI ang pagsampa ng kaso, humingi naman ito ng tulong sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) para sa pag-iimbestiga sa nasabing anomalya.
Bukod sa pagtugon sa pandemya, dapat lang tutukan ang iba pang isyu tulad nito.
Hindi puwedeng maungusan tayo nga mga buwaya habang abala ang mga nakatataas sa laban sa pandemya.
Nakadidismaya dahil hindi ito ang unang pagkakataon na may anomalya sa bigayan ng ayuda, ngunit ang masaklap, opisyal ng lungsod ang dawit dito.
Kung tutusin, maliit na halaga lang ito kumpara sa mga sinasahod ng opisyal ng gobyerno tapos pinag-iinteresan pa. At sa hirap ng buhay dahil sa mga problemang dala ng pandemya, nakuha pang lamangan ang mga ordinaryong mamamayan.
Kaya pakiusap sa mga awtoridad, tiyaking mananagot ang dapat managot. Patunayan nating may pangil ang batas at walang sinumang makalulusot dito, kahit may posisyon pa sa gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments