Pag-angat ng turismo, ibayong pag-unlad din sa ekonomiya ng ‘Pinas
ni Ryan Sison @Boses | March 7, 2023
Upang lalong lumakas ang ating turismo, nagpasya ang Department of Tourism (DOT) na bawiin na ang ilang ipinapatupad na restriksyon sa bansa na idinulot ng pandemya.
Ayon sa ahensya, kabilang sa mga health at safety protocols na niluwagan at hindi na kailangan pang isagawa sa mga tourism establishment ay ang pag-oobliga sa mga turista na magpakita ng vaccination card at puwede na silang walang suot na face mask habang namamasyal.
Base sa DOT Memorandum Circular 2023-0002, hindi na kailangang magprisinta ng COVID-19 vaccine card ang mga turista habang papayagan na silang bumisita kahit walang face mask.
Ang mga bagong guidelines ay bahagi ng pagsisikap ng DOT na makatulong sa tourism stakeholders para makarekober at makabawi na rin sa naging epekto ng pandemya.
Ito ang binigyang-diin ni DOT Secretary Christina Frasco na ang pagluluwag sa health at safety guidelines sa mga establisimyento ay magpapalakas sa industriya ng turismo matapos ang naranasang pagkalugmok ng ekonomiya sa bansa na dulot ng mga lockdowns at restriksyon dahil sa COVID-19 pandemic.
Aniya, nagpapahayag din ito na sa ilalim ng administrasyong Marcos, ang ating bansa ay naging bukas na para sa turismo, habang nakakasabay na rin sa mga global practices kaugnay sa operasyon nito na nagbukas na sa buong mundo.
Kilala ang Pilipinas sa napakaraming tanyag na destinasyon sa buong mundo. Nand’yan ang magagandang lugar gaya ng Palawan, Coron, El Nido, Batanes, Vigan, Siargao at marami pang iba.
Kaya naman malaki ang naiaambag ng turismo sa pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa.
Subalit nang tumama ang COVID-19 pandemic, tumamlay ang mga lugar na ito at halos wala nang gustong bumisita, kaya ang resulta ay bumagsak ang industriya ng turismo.
Ngayong unti-unti na tayong nakababangon, kasabay ng ginawa ng kinauukulan na pagluluwag sa mga restriksyon, asahan na ang ibayong pagdaming muli ng mga turista na magbabalik sa ating bansa habang simula na rin ito ng pag-angat pa ng ating ekonomiya.
Magtuluy-tuloy na sana ang magandang kalagayan ng ating pananalapi para lalo pang umunlad ang bansa.
Paalala lamang sa lahat na panatilihing maging maingat pagdating sa ating kalusugan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments