top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pag-aasawa, nakatakda sa single mom na laging sawi sa pag-ibig

  • BULGAR
  • Oct 6, 2021
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 06, 2021



Dear Maestro,


Isa ako sa masugid ninyong tagasubaybay at tagahanga. Naisipan ko ring sumulat sa inyo upang malaman kung ano ang mangyayari sa kapalaran ko, lalo na sa love life dahil napapansin ko na palagi akong bigo sa pag-ibig. Ang totoo nga, nakaka-tatlong boyfriend na ako, pero sa bandang huli ay niloloko lang nila ako at naiiwanan akong luhaan. Gusto ko nang magbago ang kapalaran ko kasi napapagod na rin akong magmahal at pagkatapos ay sa wala lang din mauuwi.


Sa ngayon ay single mom ako dahil hiniwalayan ako ng aking naka-live-in matapos niyang malaman na buntis ako. Ang masakit pa nito ay sumama siya sa ibang babae.

Maestro, sa palagay mo, may pag-asa pa ba akong lumigaya at makasumpong ng simple pero masayang pamilya habambuhay? February 13, 1993 ang birthday ko.



Umaasa,

Ma. Luisa ng Bagbag, Novaliches, Quezon City


Dear Ma. Luisa,


Kung ang panaginip, ayon kay Sigmund Freud ay siya ring “royal road to the unconscious” o sa mas simpleng paliwanag ay matutuklasan mo ang laman ng unconscious mind o self mo sa pamamagitan ng pagtuklas sa natatagong kahulugan ng panaginip, ang lagda o handwriting ng isang tao ay ganundin, ito ay isa ring daan upang matuklasan mo ang natatagong laman ng unconscious mong sarili o isipan.


Kaya almost 100%, kapag maganda ang lagda o pirma ng isang tao, gayundin ang kanyang handwriting, posible na siya rin ay may maayos na unconscious mind o unconscious self.


Kumbaga, ang pirma ay siya ring representasyon o pagpapakilala natin sa lipunan kung ano ang nasa loob ng ating isip at pagkatao. Kung ang representasyon ng ating outer self ay ang mismong pisikal na anyo, ang lagda ay masasabi namang malinaw na larawan ng ating inner self, sa partikular ang natatago nating sarili na nais nating ipakita sa lipunan.


Kaya kapag nababoy at nabubura o sadyang pangit ang lagda, ito ay nangangahulugang ding ang nasabing indibidwal ay may magulo at hindi maayos na unconscious mind o self, kaya siya ay madalas mabigo sa buhay, sa anumang larangang kanyang ginagampanan.


Ito rin ang dahilan, Ma. Luisa, kaya palagi kang bigo sa pag-ibig, magulo kasi at nababoy ang iyong lagda. Dapat simple lang, hindi rin dapat nagkakapatong-patong ang mga letra o salita rito. Kaya upang magbago ang laman o representasyon ng unconscious self mo, baguhin mo rin ang iyong lagda.


Ganito ang gawin mo, pagsikapan mong makalikha ng simpleng “M” sa unahang bahagi ng iyong lagda, na wala nang malaking bilog sa tuktok at pinakapaa. Huwag ka ring pipirma na tila pasubsob ang pagkakahapay. Sa halip, sikapin mong tuwid at even o nakahanay nang diretso sa linya ang iyong apilyedo at pangalan, at dapat mong paghiwa-hiwalayin at ‘wag pagpatung-patungin ang mga letra. Kapag tinapos mo ang iyong apilyedo sa iyong pirma, hindi mo na dapat ibalikwas pakaliwa ang dulong letrang “O”, sa halip, tuloy-tuloy lang na tapusin ang pirma sa direksiyong kanan nang hindi na ibinabalik pa sa kaliwa ang huling buntot ng letrang “O”.


Sa ganyang pirma na hindi na nababoy, wala nang bilog ang tuktok ng letrang “M” at hindi na rin naburara, pasusob at ibinalikwas pakaliwa ang dulong stroke ng lagda, tulad ng naiplaiwanag na, sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, makakasumpong ka ng isang wagas at panghabambuhay na pakikipagrelasyon.


Habang, ayon naman sa Numerology, ang birth date mong 13 o 4 (1+3=4) ay nagsasabing kung tatlong beses ka nang nabibigo sa pag-ibig, malaki ang pag-asa na sa ikaapat na pakikipagrelasyon ay papalarin at susuwertehin ka. Ito ay dahil ang numerong 4 ang magiging significant o mahalagang pangyayari sa iyong buhay, kaya malaki ang tsansa na sa ikaapat na lalaking darating sa buhay mo na may birth date na 7, 16 o 25, habambuhay ka nang liligaya.


Mas madaling mangyayari ang pag-aanalisang tinuran, sa ikaapat na lalaking makakarelasyon na binanggit na ang birth date, at sa lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini o Libra, tulad ng nasabi na, sa pakikipagrelasyong ito, ikaw ay habambuhay nang liligaya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page