Pag-aasawa, dapat paghandaan ng bebot na ayaw nang magsustento sa pamilya
- BULGAR
- Mar 18, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | March 18, 2023

KATANUNGAN
Kasambahay ang hanapbuhay ko at bukod sa maliit ang suweldo ay hirap pa ang aking katawan. Kaya sabi ng boyfriend ko, tumigil na ako sa trabahong ito at magpakasal na kami dahil may maganda naman siyang trabaho sa cruise ship.
Hindi ba, Maestro, hindi naman masama kung paghahandaan ko na ang sarili kong future kaysa puro na lang bigay sa pamilya kong nasa probinsya, na hanggang ngayon ay sa akin pa rin umaasa?
Minsan tuloy, naiisip kong tama ang boyfriend ko na asikasuhin ko naman ang aking sarili, tutal mahabang panahon na akong nagsilbi sa aming pamilya. Kaya sa panahon ngayon, hindi naman siguro masama kung sarili ko naman ang aayusin ko at maghanda sa pag-aasawa.
Gusto ko ring malaman kung kami na ba ng boyfriend ko ang magkakatuluyan at kung oo, habambuhay na ba ito at magiging maunlad ba ang itatayo naming pamilya?
KASAGUTAN
Mas mainam na paglaanan mo ng panahon ang iyong future at hindi ‘yung tulong ka nang tulong sa pamilya mo sa probinsya na umaasa na lang sa iyo, sa halip na mabuhay sila sa sarili nilang paraan at pagsisikap.
Samantala, kayo na ng kasalukuyan mong boyfriend ang posibleng magkatuluyan, kung saan ito ang nais sabihin ng kaisa-isang malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na kung mahabang panahon na ring may namagitan sa inyo ng iyong boyfriend at dama mong quality relationship naman ang pinagsasaluhan n’yo, walang alinlangan na sa bandang huli, ang nasabing samahan ay mauuwi na rin sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya, na madali namang kinumpirma ng maganda at maayos ding Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay tanda ng dahil nagtiis ka ngayon habang ikaw ay dalaga, alang-alang sa iyong mga magulang at kapatid, gayundin, nagsikap at nagtrabaho ka para sa kanila, darating naman ang panahong kapag nag-asawa ka na, bilang ganti ng tadhana sa mga ginawa mong kabutihan sa iyong pamilya, pagpapalain ka ng langit at magkakaroon ka ng maunlad at maligayang pagpapamilya habambuhay.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Mercy, ang mga paghihirap at paglilingkod na ginawa mo sa iyong pamilya sa probinsya ay nakatakdang gantimpalaan ng Maykapal.
Siguradong sa panahon ng iyong pag-aasawa, makakasumpong ka ng maligaya, maunlad at panghabambuhay na pagpapamilya, na nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2024, sa buwan ng Hunyo at sa edad mong 29 pataas (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), hatid ng kasalukuyan mong boyfriend na nagtataglay ng zodiac sign na Libra.







Comments