top of page

Pag-aaral sa mental health issue ng mga estudyante, inihain sa Kamara

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 20, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | April 20, 2023


Nag-file ng resolusyon si Las Piñas Rep. Camille Villar sa Kamara upang magsagawa ng masusing pag-aaral para sa mental health ng mga estudyante.


Sa House Resolution No. 900, hinihimok nito ang Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH) at Philippine Statistics Authority (PSA) na mangalap ng mga datos sa buong bansa na makakatulong sa pagtugon sa mga pangangailangan sa mental health ng mga kabataan.


Nais din nitong matukoy ng mga naturang ahensya ang lawak ng mental health crisis sa sektor ng edukasyon at magsagawa ng mga intervention, at palawakin ang access sa mga mental health facilities.


Matatandaang, inihayag ng DepEd sa isang hearing sa Senado noong Pebrero na nakapagtala sila ng 404 suicide incidents at 2,147 suicide attempts sa mga mag-aaral noong 2021.


Bagama’t sinabi ng DepEd na nakakaalarma ang suicide rate ng mga estudyante, ang bilang ng mga guidance counselor sa bawat paaralan ay nananatiling mababa upang tugunan ang lahat ng pangangailangan sa mental health ng mga mag-aaral.


Mayroong humigit-kumulang 2,000 guidance counselor na nagbibigay ng serbisyo sa 28 milyong mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.


Sa isang pag-aaral ng University of the Philippines’ Population Institute noong 2021, tinatantiya na isa sa limang Pilipinong edad 15 hanggang 24 o katumbas ng 1.5 milyon kabataan ang nag-iisip na wakasan ang kanilang buhay. Anim sa 10 kabataan ay hindi nakikipag-ugnayan sa kahit sino tungkol sa kanilang ideya na kitilin ang sariling buhay.


Samantala, natuklasan din ng ng Harvard Humanitarian Initiative Resilient Communities program, bukod sa stigma, ang magastos na gamutan at serbisyo ang numero-unong hadlang sa pag-access sa mental health care sa Pilipinas.


Hindi biro ang pagdami ng mga estudyanteng nagpapakamatay, lalo na ngayong tayo ay nasa gitna pa rin ng pandemya.


Magandang balita kung mapag-aaralan ang mental health ng kabataan, lalo na’t matututukan na rin ang mga estudyanteng nakakaranas ng depresyon.


Ang pagtanggap ng tulong ang pinakamahalagang bagay na magagawa ng sinuman para sa kanilang sarili. Ngunit sa kasamaang-palad, pinipigilan ng stigma ang mga tao na makakuha ng tulong.


Hindi natin alam ang pinagdaraanan ng mga estudyante na nasa ganitong sitwasyon, kaya mas mabuti na lawakan ang access sa mga mental health facilities, nang sa gayun ay may malalapitan ang mga mag-aaral na may problema.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page