Pag-a-abroad at pagnenegosyo, daan para umunlad ang buhay ng mister na factory worker
- BULGAR
- Jan 9, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero |Enero 9, 2023
Dear Maestro,
Nagtatrabaho ako bilang factory worker. Mababa lang ang aking suweldo, kaya kulang na kulang pa sa pamilya ko ang aking kinikita. Balak kong mag-abroad upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking mga anak. Kung mag-a-apply ako sa ibang bansa, may pag-asa ba akong makapag-abroad at guminhawa ang buhay ko ru’n?
Sana ay maanalisa n’yo kung ano ang mangyayari sa aking kapalaran sa susunod pang mga panahon, nababahala kasi ako para sa kinabukasan ng aking mga anak. Gayundin, nangangarap akong yumaman, lalo na nang minsan ay nabasa ko sa inyong mga artikulo na yumayaman ang mga Taong Singko (5) na tulad ko. July 14, 1988 ang birthday ko.
Umaasa,
John Carlo ng Hulo, Meycauayan, Bulacan
Dear John Carlo,
Ang birth date mong 14 o 5 (ang 14 ay 1+4=5), sa destiny number na 2 (7+14+1988=2009/ 20+09=29/ 2+9=11/ 1+12) at zodiac sign na Cancer ang nagsasabing, sa pamamagitan ng dagdag na lakas ng loob, sigurado ang magaganap, basta nag-apply ka sa abroad, kusa kang makapangingibang-bansa sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran at sa tulong ng isang kaibigang Virgo o Taurus.
Kaya tama ang ginagawa at iniisip mo ngayon na hindi ka dapat makuntento sa pagiging factory worker. Sa halip, mag-isip ka ng paraan upang umunlad ang kabuhayan ng inyong pamilya at tama ang naisip mong mag-abroad.
Sa sandaling nakapag-abroad ka, pilitin mong makaipon ng sarili mong puhunan at magnegosyo ka. Ganu’n ang suhestiyon dahil ang lagda mong simple, dalawang letra at pagkatapos ay idinugtong mo agad ang iyong apelyido ay nagsasabing, bukod sa pag-a-abroad, magtatagumpay at uunlad ka rin sa pagnenegosyo at walang tigil na pangangalakal.
Lalo na kung sa halip na pasubsob o sa pababang stroke mo tinapos ang iyong lagda, tapusin mo ‘yan sa paitaas o straight line. Sa bahagyang inobasyon ng iyong pirma, tulad ng nasabi na, kusa mong matutupad ang pangarap mo sa buhay – ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang iyong pamilya.
Ayon sa iyong Travel Calendar, ang lahat ng positibong pag-aanalisa na inilahad sa itaas ay magsisimulang mangyari sa taon ding ito ng 2023 at sa edad mong 35 pataas, kung saan makakapag-abroad at makakapagnegosyo ka, hanggang sa tuloy-tuloy nang umunlad at sumagana ang inyong kabuhayan. Sa ganap na pag-peak ng graph ng pag-unlad sa larangan ng kabuhayan, pagtuntong mo ng edad 55 pataas at sa taong 2043, mayamang-mayaman ka na.




Comments