“Padrino o palakasan” system sa PNP, nauuso na naman
- BULGAR

- Oct 10, 2020
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | October 10, 2020
May ulat na binalasa ni PNP Chief Camilo Cascolan ang may walong opisyal sa Camp Crame.
Taliwas ito sa kanyang pangako na walang magaganap na revamp.
Kumbaga, walang “isang salita”!
◘◘◘
Nauna rito, nagsagawa rin ng malawakang pagbalasa sa iba’t ibang posisyon sa mababang antas ng pulisya.
Ang problema, na-bypass ang matataas na opisyales.
Malinaw na hindi ipinatupad ang “seniority”!
◘◘◘
Kapag hindi ipinatutupad ang protocol o ang seniority promotion, lihim na nademoralisa ang hanay ng pulisya.
Maaakusahan din ang PNP ng backsliding kung saan gumagana ang “padrino o palakasan” system na siyang wawasak sa reputasyon ng Pambansang Pulisya!
◘◘◘
May mga pumapalag, nagsasabing ipinupuwesto na ng PNP chief ang kanyang mga “bata” sakali mang bigla siyang magretiro at hindi ma-extend ang kanyang termino.
Pero, malinaw na isinasakripisyo rito ang katatagan at reputasyon ng PNP na hindi magandang panuntunan!
◘◘◘
Sa kabilang panig, may ilang nagsasabi na ang tatlong beses na pagre-reshuffle ni Cascolan ay posibleng dahil may “advance info” na mae-extend siya sa kanyang tungkulin.
May ulat na may “kapit” siya kay Mayor Sara na posibleng ginagamit niyang padrino kay P-Digong!
◘◘◘
Kung demoralisado ang mga senior officers dahil naba-bypass sila ng mga junior officers, ano’ng klase ng trabaho at performance ang maaasahan sa Pambansang Pulisya ngayon?
Bakit kinakailangan ang malawakang pagbalasa?
May kakaiba bang sitwasyong magaganap?
◘◘◘
Sa pinakahuling ulat, binantaan ni P-Digong ang Kongreso na madaliin ang pagpapatibay ng General Appropriation bill o 2021 budget act upang may magamit sa pandemic.
Kapansin-pansing habang nagpapatutsada si P-Digong sa mga senador at kongresista—nasa likuran niya ang hepe ng AFP at PNP.
Kwidaw!
◘◘◘
Malinaw na mahalaga ang matibay na liderato sa AFP at PNP upang maipatupad ni P-Digong ang kanyang mga plano para sa ikabubuti ng lahat.
Pero, paano maipatutupad ang mararahas na hakbang kung demoralisado ang mga nasa war front?
Mahalagang ipakita ng PNP na nagmamalasakit sila at patas ang pagtrato sa lahat ng nasasakupan nito.
Kung demoralisado ang malaking bahagi ng PNP dahil sa hind makatuwirang revamp—walang maasahan si P-Digong na magandang resulta sa implementasyon ng batas.
Ang delikado—baka muling magkasunud-sunod ang kapalpakan ng mga miyembro ng pulisya!





Comments