Pacman 'pag naging pangulo, ipakukulong daw si Madam Imelda, kung mananalo
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 31, 2022
ANTI-LENI NA NETIZEN, GINAWANG NGONGO SI VP LENI SAKA GUMAWA NG KABASTUSANG KUWENTO TUNGKOL SA SALITANG 'NGONGO' – Isang netizen na anti-Leni (Robredo) ang nag-post ng larawan ni Vice Pres. Leni Robredo na tinapyas ang nguso at ginawang "ngongo" ang Bise Presidente saka gumawa ng "kuwentong" kabastusan tungkol sa salita ng isang "ngongo".
Malinaw na diskriminasyon sa mga kababayan nating "ngongo" ang ginawang 'yan ng isang netizen.
Dapat sampahan ng kaso ang netizen na ito dahil hindi dapat ginagawang katatawanan ang mga "ngongo" kasi kahit na sila ay may ganu'ng kapansanan ay parte sila ng ating lipunan, period!
◘◘◘
MAOOBLIGA SI CAYETANO NA SUPORTAHAN ANG MADALAS NIYANG BATIKUSIN NA SI BBM – Inendorso na ni Nacionalista Party (NP) Pres. Manny Villar ang kandidatura nina presidential candidate, former Sen. Bongbong Marcos, Jr. at vice presidential candidate, Mayor Sara Duterte-Carpio.
Siguro, sakit-ulo na ngayon si senatorial candidate, Taguig Rep. Alan Cayetano na isa sa mga kritiko ng Marcos, kasi bilang miyembro siya (Cayetano) ng NP ay obligado na siya ngayon na suportahan ang madalas niyang batikusin na si BBM (Bongbong Marcos).
Ngayon, kung ayaw naman niyang suportahan si BBM, isa lang ang dapat niyang gawin at ito ay magbitiw sa kanilang partidong NP, boom!
◘◘◘
MALABONG MANALONG PRESIDENTE SI PACMAN KAYA MALABONG MANGYARI ANG NAIS NIYANG IPAKULONG SI MADAM IMELDA – Kapag siya raw ang nanalong presidente, sabi ni presidential candidate, Sen. Manny Pacquiao ay kapag pinal na ang desisyon ng Supreme Court (SC) sa pitong graft case ni dating First Lady Imelda Marcos ay ipapakulong daw niya ang ermat ni BBM.
Ang problem lang ni Pacquiao, ay mukhang hindi siya mananalo, malabo siyang maging presidente, kaya malabong magkaroon ng katuparan ang sinabi niyang ipapakulong niya si Madam Imelda, period!
◘◘◘
MAINAM NA IBENTA ANG MGA NAKATIWANGWANG NA ARI-ARIAN NG GOBYERNO KAYSA TIRAHAN NG MGA ISKUWATER – Ayon kay presidential candidate, Mayor Isko Moreno, kapag siya raw ang naging presidente ay handa raw niyang ibenta ang lahat ng mga ari-arian ng gobyerno na nakatiwangwang upang ang mapagbentahan ay magamit sa pangangailangan ng ating mga kababayan.
May punto si Yorme sa sinabi niyang ito, kasi mainam nga naman na ibenta na lang ang mga ari-arian ng pamahalaan na nakatiwangwang kaysa tayuan lang ng barong-barong ng mga iskuwater na nagbebenta ng boto tuwing eleksyon sa mga trapo (traditional politicians), boom!





Comments