ni Gerard Arce @Sports | March 3, 2024
Hindi man hangad ang inaasam na resulta ng laban, patuloy pa ring napasakamay muli ni Filipino mixed martial arts fighter Joshua “The Passion” Pacio ang ONE Strawweight championship belt matapos mauwi sa diskwalipikasyon ang ginawang balibag sa kanya ni dating World titlist Jarred “The Monkey God” Brooks sa 56 segundo ng first round dulot ng ipinagbabawal na spike slam para sa kanilang rematch, Biyernes ng gabi sa ONE 166: Qatar sa Lusail Sports Arena.
Agad namang idinaan sa pagsusuri at nilagyan ng neck brace support ang tubong La Trinidad, Benguet matapos buhatin at maibalibag ng American fighter na una ang ulo pabagsak na nagresulta sa pagtagilid ng leeg nito, na isa sa mga ipinagbabawal na throw sa ONE Championship. Inakala ni Brooks na nadepensahan nito ang titulo ng awatin at ipatigil ni referee Herb Dean ang laban kasunod ng ilan pang mga upak sa ulo matapos ang balibag, subalit inanunsiyong diskuwalipikado ito sa ginawang throw.
Agad namang dumaan sa Computerized Tomography (CT) Scan ang 28-anyos mula Lions Nation MMA at idineklarang klaro sa naturang pagsusuri para mabilis na ilabas ng ospital.
Naglabas naman si Brooks ng kanyang pahayag sa social media patungkol sa pangyayari na inaming hindi sinasadya ang pangyayari. “@joshuapacio wish nothing but the best for you brother. I hope you’re okay. I am sorry for letting down my family and the organization. I did not intentionally do anything,” saad ni Brooks sa kanyang Instagram post.
Nagkaroon naman ng pagkakataon sina Pacio (22-4, 8KOs, 9 Subs) at Brooks (20-3, 2KOs, 8Subs) sa tinutuluyang hotel at nagawang makapag-usap at magyakapan, kung saan naging emosyonal ang 30-anyos mula Warsaw, Indiana matapos mawala rito ang kanyang korona.
Comments