Pabuya vs. korup, ilaan na lang sa mga nasalanta ng bagyo

@Editorial | November 13, 2020
Kamakalawa nang mag-alok ng pabuya si Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon laban sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa korupsiyon.
Naglaan ng P50,000 hanggang P100K reward sa mga makapagsusumbong, na tiniyak naman ng Pangulo na poprotektahan.
Sa dami ng mga pasaway na taga-gobyerno, hindi kaya maubusan ng pera ang Pangulo?
Una sa lahat, obvious naman kung sinu-sino ang mga bantay-salakay sa kaban ng bayan, ang problema, tila nagiging teleserye ang mga eksena. Nagkakaroon ng imbestigasyon, kaliwa’t kanan ang patawag sa Kongreso, kakasuhan ngayon, kulong bukas, lalaya rin naman. Ang masaklap, napupunta pa sa mas mataas na posisyon o kung hindi man, bigla na lang matatahimik ang isyu na parang walang nangyari. Silang mga korup, lalo lang namayagpag, yumaman at pinagtatawanan lang ang batas.
Kaya itong pabuya laban sa mga kurakot, eh, mukhang hindi na uubra, magiging masalimuot lang at maraming tanong lang ang maglalabasan. Saan manggagaling ang pondo pang-reward? Paano masasabing legit ang nagsumbong at isinusumbong? Ano’ng next ‘pag may natukoy na kurakot?
Siguro, sa halip na sa ganito gastusin ang pera ng bayan, eh, ilaan na muna sa mga mas kailangan, tulad ngayong dumaranas tayo ng pandemya at kalamidad. Napakaraming kababayan natin ang nasalanta ng bagyo — wasak ang mga bahay at kabuhayan. Sa kanila na muna ituon ang pagtulong. Tiyak na malaki-laking pondo ang kakailanganin para makapagsimula at makabangon.
Itong mga korup, eh, darating din ang panahon ng paniningil, kung nagpapakasasa man sila ngayon sa yaman at kapangyarihan, pare-pareho rin silang mahahatulan.



Comments