Pabidang P20 per kilo ng bigas ni Cebu Gov. Garcia, sablay
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 2, 2023
TAMA SI SEN. BONG GO, MAY BATAS NA UMIIRAL SA ‘PINAS KAYA ‘DI DAPAT PANGHIMASUKAN ITO NG ICC -- Nagpalabas ng statement si Sen. Bong Go patungkol sa isyu ng International Criminal Court (ICC). Ayon sa senador, ang dapat pinanghihimasukan ng ICC ay ang mga bansa na ang namumuno ay diktador, bansang laganap ang krimen, pero walang ipinaiiral na batas.
May punto si Sen. Go sa sinabi niyang ito, at dahil umiiral ang demokrasya sa bansa, hindi naman diktador si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM), may mga law enforcer, prosecutors at korte ang Pilipinas, na ibig sabihin ay may batas na sinusunod sa bansa, kaya’t walang dahilan ang dayuhang korteng ICC na manghimasok sa justice system ng ‘Pinas, period!
◘◘◘
DAPAT IRESPETO NG MGA SEN. AT CONG. SI EX-P-DUTERTE DAHIL KAPAG BINULLY NILA ITO, PAPALAGAN SILA NG EX-PRESIDENT -- Ayon kay Sen. Bong Go, sakaling dumating ang panahon na imbitahan ng Senado o Kamara si ex-P-Duterte kaugnay sa isinusulong na resolusyon na papasukin sa bansa ang ICC, hiling ng senador na irespeto ang dating presidente.
Aba’y dapat lang talagang magpakita ng respeto kay ex-P-Duterte ang mga senador at kongresista kasi bukod sa dating presidente ito, hindi pupuwede sa ex-president na binu-bully siya tulad ng ginagawa ng ilang sen. at cong. sa mga resource person sa Senado at Kamara, dahil siguradong papalagan sila ng dating pangulo ng bansa, boom!
◘◘◘
HARRY ROQUE, TORETE SA IMBESTIGASYON NG KONGRESO SA SMNI -- Noong tanggalan ng prangkisa ng Kongreso ang ABS-CBN network, ang sabi ng noo’y presidential spokesman Harry Roque na mag-move on na raw ang mga tagasuporta ng Kapamilya network dahil nakapagdesisyon na raw ang Kongreso na i-shutdown ang ABS-CBN.
Ito na ang siste, nang imbestigahan ng Kongreso ang mga fake news at redtagging ng SMNI network kung saan isa si Roque sa mga may programa sa network na pag-aari ng sekta ni Pastor Apollo Quiboloy, natorete siya (Roque), nanawagan sa mga mamamahayag na suportahan sila baka kasi tanggalan din ng Kongreso ang SMNI ng prangkisa at pagkaraan i-shutdown, period!
◘◘◘
SABLAY ANG PABIDANG P20 PER KILO NG BIGAS NI CEBU GOV. GWEN GARCIA -- Sablay ang pabidang P20 per kilo ng bigas na subsidiya ng Cebu Provincial Local Government sa ilalim ng pamamahala ni Gov. Gwen Garcia.
Naobliga kasi si Gov. Garcia na suspendihin ang pagbebenta ng P20 per kilo ng bigas dahil umabot sa higit 300,000 katao ang nagpalistang bibili ng P20 per kilong bigas, gayong nasa 199,000 katao lang ang nakatala sa Cebu LGU na puwedeng makabili ng murang presyo ng bigas, boom!





Comments