Pabayang mga magulang, lagot sa “3-strike policy”
ni Ryan Sison - @Boses | November 14, 2022
Dahil pabalik-balik lamang sa kalsada ang mga nasasagip na bata matapos kunin ng mga magulang, napagdesisyunan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpatupad ng “3-strike policy” laban sa mga magulang na nagpapabaya sa kanilang anak.
Ayon sa ahensya, partikular ang pagpapabaya na gumala-gala sa mga lansangan ang mga bata, kaya mayroon umanong programa, kung saan may ilalagay na pasilidad na mag-aaruga sa kanila.
Nakatakdang bumuo ang DSWD ng technical working group (TWG) na siyang mag-aaral sa posibilidad ng pagpapatupad ng “3-strike policy” laban sa mga pabayang magulang.
Sa ilalim ng programa, kapag tatlong beses nang nasagip sa lansangan ang isang bata, kukunin na sila sa mga magulang at ilalagay sa foster care ng gobyerno.
Gayundin, bubuo ng inter-agency body na magiging katuwang ang mga lokal na pamahalaan upang maipatupad ang naturang programa.
Samantala, binigyang-diin ng ahensya na kailangang masusing mapag-aralan at kumunsulta sa mga ekspertong legal at iba pang ahensya, gayundin sa mga mambabatas upang mabatid kung ayon sa batas ang kanilang proposal.
Bagama’t may magandang layunin ang programa, bago ang lahat ay kailangang malinis ang plano at dapat matiyak na walang malalabag na karapatang-pantao.
Batid nating kailangan nitong dumaan sa tamang proseso, lalo pa’t menor-de-edad ang sakop ng programa.
Kung tutuusin, mahaba-habang proseso ang pagdaraanan bago payagan at ipatupad ang “3-strike policy”.
Ngunit sa ngayon, patuloy sana nating paalalahanan ang mga magulang na habang nasa pangangalaga nila ang mga bata, obligasyon nilang bantayan ang mga ito.
Kung mapupunta sila sa pangangalaga ng gobyerno dahil sa inyong kapabayaan, pasensyahan na lang.
Naniniwala tayong para sa kapakanan ng mga bata ang programang ito at higit sa lahat, umaasa tayong gagawing DSWD ang lahat upang maayos na maipatupad at mapangalagaan ang mga bata.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments