Pabahay, huwag gawing negosyo!
@Editorial | Pebrero 7, 2023
Stop muna ang aplikasyon para sa pabahay ng gobyerno.
Ayon sa National Housing Authority (NHA), ito ay upang mabigyang-daan ang pagsasaayos ng kanilang sistema katuwang ang mga local government units (LGUs).
Nakikipag-ugnayan na aniya ang kanilang ahensya sa mga LGUs upang matukoy ang mga kuwalipikadong benepisaryo para sa abot-kayang pabahay.
Asahan umano na sa mga susunod na araw ay maglalabas ang NHA ng mas pinadaling proseso ng aplikasyon.
Binigyang-linaw ng ahensya na walang sinuman ang inatasan na makipag-usap upang magproseso ng aplikasyon para sa libreng pabahay at humingi ng anumang kapalit.
Batay sa mandato, layunin ng ahensya na gumawa ng dekalidad at abot-kayang pabahay para sa mga Informal Settler Families, mga naninirahan malapit sa mga daluyan ng tubig, daanan ng tren at mga naapektuhan o natamaan ng mga proyekto ng pamahalaan.
Sakop din nito ang mga pamilyang apektado ng desisyon ng Korte Suprema ukol sa paglilinis ng mga waterways patungong Manila Bay at mga nasalanta ng kalamidad at sakuna.
Pabahay ang isa sa magastos pero makabuluhang proyekto ng gobyerno. Maraming pamilya ang nabibigyang katuparan ang pangarap na magkaroon ng sarili at disenteng tirahan.
Ang problema, sadyang hindi nawawala ang mga abusado. May mga pilit na pumapapel para mapagkakitaan ang proyekto habang may mga mismong benepisaryo naman ang hindi talaga karapat-dapat sa pabahay. Nar’yang pinauupahan o ibinebenta ang bahay, tapos balik na naman sa dati, tipong ginawang negosyo ang tulong.
Kaya dapat na salaing mabuti ang mga bibigyan at mababantayan ang anumang banta ng pang-aabuso.
Huwag nating sayangin ang pagkakataon at anumang tulong na ibinibigay ng pamahalaan dahil ang bawat sentimo sa mga programa at proyekto ay galing sa bulsa ng bawat isa sa atin, mula sa dugo’t pawis.



Comments