Paano maniningil sa taong may utang sa’yo
- BULGAR

- Oct 20, 2020
- 2 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | October 20, 2020

Mahirap talagang habulin ang mga taong umiiwas dahil may pagkakautang, pero kailangan mo talaga siyang singilin kahit anong mangyari. Pero isa lang ang dapat mong tandaan, PERA MO pa rin iyon at walang kaparis na pagmamakaawa ang makaaalis ng katotohanang iyan.
Bagay na iyong Kailangan:
Tiyaga
Determinasyon
Pag-uusap
1. Minsan ang paniningil at pagpapaalala sa umutang ay dapat pinagtitiyagaan. Ang pinakamainam na bagay na dapat tandaan ay huwag magpapautang sa taong iyong pinagdududahan o iyong alam mong walang kakayahan na makapagbayad. Pero siyempre ‘di mo rin maiwasang maawa dahil kahit paano ay isang kaibigan. Tandaan, na kung kailangang maningil at habulin ang tao dahil sa utang sa’yo, malamang tapos na ang pagkakaibigan, (may lamat na rin). Kaya huwag mag-aalala kung masaktan mo man ang loob niya, ang mahalaga ay masingil mo siya at maibalik sa’yo ang perang hiniram niya.
2. Tawagan o kausapin ang tao. Mas mainam na kausapin siya nang personal dahil ang tawag sa telepono ay palagiang hindi pinapansin o napagtataguan ka pa, pero kung personal ay maaari mong makita ang kanyang mga reaksiyon. Kailangang alam ng tao na may utang pa rin siya. Ipaalala sa kanya kung magkano ang utang niya. Kung buo niya nakuha ay buo rin niya dapat ito ibabalik at kung kailan mo inaasahang makukuha. Kailangang may saksi rin sa pangungutang niya, kung kaibigan ang nangutang, dapat makita ng ibang kaibigan na nangutang siya at nakapagbayad din.
3. Kung kakausapin ng personal, ipaalam sa kanya na kailangan mo na talaga ng pera ngayon. Hindi mo na kailangang sabihin pa ang dahilan kung bakit kailangan mo ang pera, tinulungan mo siya nu’ng mangutang siya at dapat tumupad siya sa pangako. Takdaan siya ng petsa at oras kung kailan siya magbabayad.
4. Pero kung ‘di pa rin magbabayad, tingnan kung may tao kang puwedeng lapitan na tutulong sa’yo na maningil, gaya ng boss niya o iba para may magsabi sa kanya at mahiya naman siya.
5. Kung hindi iyon uubra, kausapin na rin ang mga loveones niya, asawa, magulang o church leader nila na puwedeng may malaking impluwensiya sa kanya. At ipaalam sa kanila na kung puwede ka nilang tulungan na singilin ang kaibigan mo at kailangan mo na kamo ang pera. Hindi ka kamo magdedemanda basta’t bayaran ka lang.
6. Kung walang resulta, puwede kang magpagawa ng sulat sa abogado para takutin siya sa pangongolekta lalo na kung malaki talaga ang utang niya.








Comments