top of page

Paano mamomotiba ang sarili para manatiling nag-e-exercise

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 13, 2020
  • 3 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | October 13, 2020




Mula nang mag-lockdown dahil sa pandemya, ang dami nang hindi nakalalabas ng bahay, marami ang nawalan ng gana sa pagdya-jogging dahil nga sa binabawal ang paglabas ng marami. Alam mong dapat kang mag-ehersisyo, pero madalas parang ang hirap kumilos ngayon, walang sapat na lugar sa bahay para sumaya-sayaw, mag-skipping rope o tumakbo. Sobrang nakaka-stress at nawawalan ka na tuloy ng lakas. Labanan ang mga excuses na ito sa pagdiskubre mo sa mga bagay na magpapamotiba sa iyo at gamitin ang estratehiya na iyan para manatili ang aktibong lifestyle habang nag-iingat na mahawaan ng COVID-19.

1. Determinahin ang aabuting layunin tulad ng pag-ehersisyo ng dalawang beses sa isang linggo.


2. Lumikha ng gantimpala sa pag-achieve ng isang layunin. Ang gantimpala ay puwedeng masahe, isang workout outfit, panonood ng bagong movie online, isang bagong piraso ng sports equipment, anuman ang gusto mo.


3. Makipag-partner sa mahal sa buhay o kasama sa bahay, mga taong susuporta sa iyo at sa iyong layunin nang hindi ka bibigyan ng negatibong emosyon.


4. Palagiang magbasa ng fitness magazine o online fitness newsletter. Ang mga bagong tips at ehersisyo ay magsisilbing inspirational at nakakawala ng pagkabagot.


5. Magkaroon ng isang programang pang-kompetisyon sa katrabaho at mga kaibigan at nauuso na ngayon iyan sa online virtual. Halimbawa, isang team kung saan ang mga miyembro ay nag-e-ehersisyo ng 30 minuto, tatlong beses sa isang linggo sa loob ng tatlong buwan na may premyo. Ikaw na ang bahala sa premyo at iyan ay inyong gagawin sa pamamagitan ng videos na isusumite sa inyong chat messages GC o kaya sa virtual online group na inyong gagawin.


6. Magkaroon ng tamang workout clothes. Kailangang motibado ka rin sa iyong kasuotan para mas feel mo ang pag-ehersisyo.


7. Burahin ang konsepto na kapag hindi mo magagawa ng least 30 minuto, inaaksaya mo ang iyong oras. Ang ehersisyo ang magpapawala ng sobrang kalorya sa katawan, nagpapadagdag ng enerhiya at umiibayo ang iyong kalusugan, kahit na sa maliit na paraan lamang.


8. Subukan ang bagong sport o klase. Para magkaroon ng variety, lumahok sa isang grupo at kompetisyon sa isang virtual class na nagpapadagdag sa iyong kagustuhan ng mag-ehersisyo nang palagian.

9. Bigyan din ng mainam na aktibidad ang iyong alagang aso na isasama siya sa paglalakad ng at least dalawang beses sa isang linggo sa isang hindi mataong lugar.


10. Humanap ng mga paraan para maidagdag sa buhay ang pagkakaroon ng mga ekstrang aktibidad, kahit na hindi mo magagawang normal ang exercise routine. Umakyat sa hagdanan sa halip na sumakay ng escalator o elevator, mag-marathon o mag-badminton imbes na manood ng sine. Maglinis ng bahay gamit ang walis at basahan.


11. Magpa-register sa mga takbuhan at magbayad ng entry fee lalo na kung isang charity running organization ang sasalihan. Makakatulong ka na para sa mga bibiyaang frontliners, nakapag-ehersisyon ka pa. Anuman ang iyong aktibidad, pagtakbo, pagbibisikleta, paglalakad o paglangoy, napakaraming mga klase ng karera ang available sa buong mundo. Pumili ng aktibidad na gustung-gusto mo at ayon sa kaginhawahan mo.


12. Magpa-miyembro sa online virtual class tulad ng zumba na may mga iskedyul ito. Kung minsan may bayad din ang membership, mabigat din sa bulsa. Pero mas mabigat kung mas malaki ang gastos sa pagkakasakit.


13. Sinasabi ng iyong doktor na mag-ehersisyo. Para sa ibang tao, ito ang tama at pinakamabisang gawin. Maaaring sinabi sa iyo na may mataas kang kolesterol, malapit nang maging diabetic o may ilang sakit na may kaugnayan sa iyong katabaan. Huwag mo nang alagaan ang mga sakit na iyan, magsimula ka nang gumawa ng isang simpleng bagay tulad ng paglalakad nang mabilis para madurog agad ang mga namumuong kalorya sa katawan na siyang pinagmumulan ng mga naturang karamdaman.

14. Mag-ehersisyo dahil mahal mo ang iyong asawa at mga anak. Ito ang paraan upang magkaroon ka ng pa ng mahabang panahon na mabantayan at masubaybayan ang iyong mga anak sa kanilang paglaki hanggang sa magsimula siyang magkaroon ng sariling pamilya.

Pangalagaan ang katawan upang hindi agad mabiyudo o mabiyuda ang iyong asawa at hindi agad maiwan sa nag-iisang pangangalaga niya ang inyong mga anak.

15. Gawin ito para sa iyong mga apo kahit na wala ka pang mga apo. Patagalin ang buhay sa mundo para magkaroon pa ng maraming taon sa piling ng mga apo at higit nilang makilala ka bilang kanilang lolo.

Mainam din na masamahan pa sila nang matagal na panahon para maihatid sa kanilang eskuwelahan at extracurricular activities. Ang pinakamainam na parte, nariyan kang lagi sa kanilang tabi, nagkukuwento hinggil sa kabataan ng kanilang mga nanay at tatay.

16. Panghuli, gawin ito para sa iyo. Ipakita na mahal mo at pinangangalagaan ang iyong sarili sapat para nasa maganda kang pangangatawan. Hindi mo kailangang may malalaking masel, subalit nais mo lamang na magkaroon ng malakas na puso at malusog na pangangatawan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page