Paano mamahalin ang ‘Pinas kung sa airport palang palpak na?
ni Ryan Sison @Boses | July 1, 2023
Nagbigay ng suporta ang mga senador sa likod ng pagsisikap ng Department of Tourism (DOT) na palakasin ang turismo matapos nitong ilunsad ang bagong slogan na “Love the Philippines.”
Pinalitan nito ang news campaign na “It’s More Fun in the Philippines” na inilunsad noong 2012.
Gayunman, nagbabala si Sen. Grace Poe na ang mga agaw-pansin na slogan sa turismo ay ‘di dapat mapalitan ng mga nakakatakot na karanasan ng mga travelers.
Mas dapat umanong unahin na ayusin ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa halip ang tourism slogan ng bansa.
Giit pa ni Poe, marami pang maiaalok ang Pilipinas upang maging “world-class destination”.
Sa ganitong paraan, dapat ay umpisahan na ang masaya at magandang karanasan ng mga travelers sa pagpapahusay ng serbisyo sa mga paliparan sa bansa.
Kaya naman, hindi lamang maituturing na gateaway ang airport kung maayos ang serbisyong ibinibigay nito, kundi ito rin ang una’t huling impression na makukuha natin sa mga dayuhan mula sa pagdalaw sa Pilipinas.
Samantala, pinasalamatan din ni Senator Nancy Binay, head ng Senate Tourism Committee ang inisyatiba ng DOT na paghusayin ang marketing pitch nito, ngunit kasabay nito ay nagpahayag naman siya ng pangamba na ang rebranding ay nangangailangan ng malaking halaga ng pondo.
Sa totoo lang, kahit anong ganda pa ng slogan ng ating bansa kung bulok naman ang sistema ng ating mga paliparan ay mababalewala pa rin ito.
Tama lang na unahin muna ang pag-aayos ng NAIA dahil sunud-sunod na ang nangyayaring power outage nitong mga nagdaang buwan, at talagang maraming biyahero ang naperhuwisyo dahil dito.
Kaya hiling natin, kasabay ng pagbabago ng ating slogan ay mabago rin at mas maayos pa ang sistema ng ating mga paliparan nang sa gayon ay mas maraming turista ang maengganyo na bumisita at makita ang ganda ng Pilipinas.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments