Paano magkaroon ng hindi maluhong pamasko
- BULGAR

- Dec 1, 2020
- 2 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 1, 2020

Ang dami pa ring mahilig na maghabol ng mga bagay na magpapaligaya sa kanila ngayong Holiday season sa mas matipid na paraan kaysa sa nakaraang taon. Napakaraming paraan para rito. Hindi ito sa palakihan o rami ng regalo na iyong maibibigay o matatanggap. Iyong mas may malalim na kahulugan ang importante.
1. Isa sa pinakamainam na paraan upang mabawasan ang materyalistikong impluwensiya ng iyong holiday season ay bawasan ang listahan ng mga regalo. Makikita sa mga dating nabigyan na “puwede na ring hindi sila bigyan.” Parang mas importante na sa kanilang makita at mabati ka. Hindi man maaring mapagsama-sama ang marami sa buong pamilya at mga kaibigan, magkaroon ng holiday greetings online at chat ay sapat na dahil mayroon pa ngayong pandemya.
2. Magbigay ng regalo mula sa puso lalo na iyong nananatili sa iyong gift list. Mag-alok ng tulong ng mga gawaing bahay na magagawa mo. Mag-alok na mag-babysit, maglinis ng bahay, magluto anumang makatutulong kahit minsan sa kanila. Gumawa ng homemade gifts para sa gustong regaluhan. Napakaraming higit pang ideya na magagawa buhat sa online search o kaya ay magasin o aklat. Pumili ng panregalo na akma sa antas ng iyong kakayahan at mag-enjoy sa naturang aktibidad.
3. Mamasyal sa magagandang lugar, puwedeng mag-isa o kasama ng sariling pamilya. Lumabas ng madaling araw o maupo sa isang lugar uminom ng kape at hot choco at masayang mag-enjoy sa pagtanaw ng mga bituin sa madaling araw.
4. Sa halip na dalhin ang pamilya sa isang shopping adventure, magboluntaryo na magpakain ng lugaw sa mga taong lansangan. Samantalahin ang mga maluluwag na lugar na makapagbisikleta, makapaglakad kasama ng pamilya o kaya danasin din ang saya ng pagdaraos ng mga multicultural holiday events saanmang lugar basta't may social distancing at makasunod sa health protocol.








Comments