top of page

Paano maging miyembro sa SSS ang mga self-employed?

  • BULGAR
  • May 23, 2021
  • 3 min read

@Buti na lang may SSS | May 23, 2021


Dear SSS,


Nabasa ko kamakailan sa inyong pitak na maaaring maging miyembro ng SSS ang asawa ng miyembro na walang trabaho. Mula pa noong una ay hindi ako namasukan o nagtrabaho sa kumpanya kaya hindi ako naging miyembro ng SSS. Sa kasalukuyan ay mayroon akong mini grocery store. Kaya nais kong malaman kung maaari ba akong makapaghulog sa SSS? – Sonya ng Marilao, Bulacan


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Sonya!


Malugod naming ipinaaalam sa iyo na maaari kang maging miyembro ng SSS. Mula pa noong 1980 ay itinatakda ng SSS Law ang pagsakop sa mga self-employed na indibidwal na may buwanang kita na P1, 000 o higit pa mula sa kanyang sariling negosyo o propesyon at walang employer, kung hindi pa siya tumutuntong ng 60-anyos.


Kabilang sa mga self-employed ay propesyunal tulad ng abogado o doktor, may sariling opisina man o wala, mga nagmamay-ari o magkasosyo sa negosyo, mga artista, direktor o manunulat ng pelikula na hindi itinuturing na empleyado, mga propesyunal na atleta, coaches, hinete at tagapagsanay, magsasaka at mangingisda, mga nagtitinda sa palengke, tricycle o jeepney drivers, o contractual at job order na empleyado na nagtatrabaho sa mga ahensya ng pamahalaan.


Sa kasalukuyan, ang contribution rate ay 13% ng monthly salary credit na hindi hihigit sa P25, 000. Maaaring ibatay ang halaga ng iyong magiging buwanang kontribusyon sa monthly salary credit o ang salary level kung saan nakabase ang buwanang kita na sa registration form o SS Form E-1 (Personal Record). Ang SSS Schedule of Contributions ay makikita sa SSS website, www.sss.gov.ph o kaya’y sa Facebook page ng SSS, sa Philippine Social Security System.

Samantala, ang buwanang kontribusyon ng self-employed ay maaaring tumaas o bumaba sa idineklara sa registration form ayon sa kanyang aktuwal na kinita at hindi na kailangang ng anumang patunay tungkol dito.


Halimbawa, Sonya, ang idineklara mong buwanang kita sa registration form ay P8, 300. Batay sa Schedule of Contributions, ito ay katumbas sa 8, 500 monthly salary credit at may kaukulang kontribusyon na P1, 105 kada buwan kasama na ang P10 para sa iyong Employee’s Compensation contributions na may kabuuang halaga na P1, 115 kada buwan.


Ang EC Program ay para sa mga work-related accidents na maaaring mangyari sa self-employed na tulad mo habang nagtatrabaho. Dagdag-proteksiyon ito bukod sa SSS benefits na matatanggap mo sa hinaharap.


Maaari ka nang kumuha ng SS number online. Magtungo lamang sa SSS website (www.sss.gov.ph) at i-click ang link sa No SS Number Yet? Apply Online! Kung ikaw ay may SS number, maaari na ring i-update ang membership sa online. Kinakailangan lang na nakapagrehistro sa My.SSS na matatagpuan din sa SSS website. Dagdag pa rito, kailangan mo rin ang mga dokumentong tulad ng certified true copy ng iyong birth certificate upang mabigyan ka ng SS number. Kung wala kang birth certificate, maaaring isumite ang alinman sa mga sumusunod: baptismal certificate; driver’s license, pasporte; Professional Regulation Commission (PRC) card; o Seaman’s Book. Kung wala ang mga nasabing cards o dokumento, maaaring magpasa ng dalawang valid ID gaya ng postal ID, school ID, senior citizen card, voter’s ID o company ID.


Matapos nito, maaari ng magbayad ng iyong kontribusyon kada buwan o kaya ay quarterly sa alinmang sangay ng SSS, sa bangko o Bayad Centers at iba pang payment channels ng SSS. Sa online, maaaring gamitin ang Moneygment sa pamamagitan ng My.SSS, PayMaya at BPI sa pamamagitan naman ng SSS Mobile App.


Mahalaga na ang miyembro ay regular na naghuhulog ng kontribusyon upang maging kuwalipikado sa mga benepisyo ng SSS para sa panganganak, pagkakasakit, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing at pagkamatay gayundin sa mga pautang ng SSS tulad ng salary loan, calamity at educational assistance, atbp.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page