Paano kung ma-trap ka sa loob ng kotse na nalubog sa tubig-baha?
- BULGAR

- Nov 18, 2020
- 2 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | November 18, 2020

Sa nakatatakot nang senaryo sa ngayon kung saan marami nang bansa sa buong daigdig ang dumaranas ng malawakang pagbaha at unang-una na ito ngayong problema saan mang dako ng bansa ngayon, kung saan may mga naputol na tulay, imprastraktura na nawasak, dams na nagpapakawala ng tubig dahil baka masira, napakahalagang malaman kung ano ang dapat na gawin kung sakaling inabutan ka ng paglalim ng tubig habang nasa loob ka ng iyong sasakyan. Mabilis ang mga pangyayari. Kung hindi mo alam kung ano ang gagawin, siyempre, magpa-panic ka. Sundin ang mga sumusunod na hakbangin at malaman kung paano maka-survive sa isang lumulubog na sasakyan habang nasa malalim na tubig baha.
Alam mong napakarami ng naapektuhan ng ganitong insidente nitong nagdaang bagyong Ulysses at karaniwan na ang kanilang mga sasakyan ay inanod patungo sa malalim na lugar, inagos patungo sa dagat at iba pang malalalim na katubigan tulad din ng ilog at lawa. May ilang mga nakasakay sa sasakyan ang nalunod, ang iba naman ay dahil nang lumabas ng mga sasakyan ang mga ito ay inabot ng tubig at nalunod habang naghahanap ng pagtatakasang lugar.
Gumawa ng plano bago mag-drive lalo na kung nakatira malapit sa mga katubigan. Praktisin ang plano at isama ang ilang miyembro ng pamilya sa naturang drill, na tulad ng iyong paghahanda sa isang fire drill. Isaisip na ang dalawang pinakamahalagang bagay na gagawin ay tanggalin na ang buckle sa katawan at mabilis na lumabas sa bintana o pintuan. Sikaping maging simple ang plano.
Manatiling kampante kung maaari sakaling unti-unti mong nakikitang lumulubog sa baha ang iyong sasakyan at nakita mo nang lumutang sa tubig ang behikulo. Unawain na kapag unang lumutang ang sasakyan, mamamatay ang mismong makina. Isipin na ang iyong tanging tsansa na maka-survive sa isang lumulubog na kotse ay ang lumabas na at maghanap ng mapagliligtasang lugar.
Alisin na agad ang buckle ng seat belt una at subukan na buksan ang pinakamalapit na bintana. Relaks at maging komportable na kahit ang isang electric windows ay gumagana pa kahit na lumubog na sa tubig ang kotse. Gamitin ang unahang pintuan ng sasakyan bilang exit point kung umuubra pa ang electric window at kung nabasag na rin ang windshield dahil sa pagkakabangga kung saan-saan.
Buksan lang ang pintuan kapag medyo mataas na ang tubig sa loob ng kotse kung hindi na magawang mabuksan ang bintana. Hindi mo magagawang buksan ang pintuan kung ang kotse ay may pressure sa labas. Matapos na tumaas ang antas ng tubig sa sasakyan at pantay na ang pressure, kailangan mong buksan ang pintuan. Lumabas ka na sa bintana kung magagawa mo.
Iligtas na muna ang mga bata kaagad at ilabas na sila sa bintana ng sasakyan at tanggalin agad ang kanilang seat belts. Itulak na sila palabas sakaling mabuksan mo na ang bintana o pintuan. Alalayan sila hanggang sa isang ligtas na lugar. Isuot na ang lifevest upang makalutang sa tubig baha.
Magkaroon ng window breaking tool kung malapit ka sa binabahang lugar. Bumili ng espesyal na tools na maggamit para makapagbasag ng salamin. Ilagay ito sa isang glove box para malaman mo kung saan ito hahagilapin.
Maging handa sa anumang pagtaas ng tubig. Iwasang mag-panic at habang magagawa mong alisin ng kampante ang iyong seat belt, makaliligtas ka sa anumang pagkalunod.








Comments