Paano ba maging mahusay na driver
- BULGAR

- Sep 12, 2020
- 2 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | September 12, 2020

Ang pagmamaneho ay isang napakagandang karanasan dahil hinahayaan nito ang iyong sarili na maging malaya sa mga bagay na kailangang gawin. Subalit kung ang isang driver ay abusado naman habang hawak ang manibela ay nakaka-stress ito lalo na sa kanyang sakay o pasahero. Nariyan ang kailangang dobleng pag-iingat habang nagmamaneho upang hindi maapektuhan ang damdamin ng pasahero maging ang kaligtasan sa kalye.
Mabuti naman at tuluy-tuloy ang programang pagsasailalim nila sa drug testing bukod sa swab testing ngayong pandemic at idinaraan sila sa psyche test upang masiguro na maging maingat ang kanilang pagmamaneho.
1. Kahit sino ay matututong maging mahusay at matinong driver. Ang kailangan lang ay magkaroon ng sapat na kaalaman, karanasan habang nagmamaneho. Kumuha ng drivers education course para matulungan ka na magkaroon ng sapat na karanasan habang nagmamaneho. Kaunti lamang ang kailangan mo rito at kailangang maging seryoso ka, darating din ang araw na ikaw rin mismo ang pupurihin at makikinabang. Ang pag-aaral ng pagmamaneho sa pamamagitan ng pagtuturo ng isang may disiplina at may sapat na karanasang driver ay isang magandang ideya. Ang pakikinig sa magagandang payo ng iba pang mahuhusay at mabubuting driver ay makatutulong.
2. Magsimulang matuto ng mahusay na pagmamaneho sa maingat na pagda-drive sa lahat ng oras. Ang pagiging dahan-dahan ay mainam kapag nagmamaneho at ito ang makatutulong sa iyo upang maiwasan mo ang maaksidente at makasakit ng iba na kung minsan ay nagdudulot ng malagim na trahedya.
3. Iwasan ang radyo, ang cellphone at anumang bagay na nakasasagabal sa pagbibigay mo ng atensiyon habang nasa daan ka. Kung kailangan mong tumawag sa cellphone, ihinto muna ang sasakyan sa isang tabi. Kung kailangan mong makinig ng radyo, makinig nang mahina lamang ang volume upang maging alerto ka at marinig kung ano ang nangyayari sa lansangan. Kung kailangan mong kumain, huminto uli o mag-parke sa isang ligtas na lugar. Ang sasakyan ay isang napakapeligrosong makina at kailangang gamitin nang sobrang ingat. Alam ng isang mahusay at matinong driver na maging alisto sa kanyang paligid habang nagmamaneho. Ibig sabihin, alisto sila sa kanyang ginagawa at aksiyon ng iba pang drivers sa magkabilang linya.
4. Huwag mag-drive kung lasing, naka-droga o nakainom ng maraming gamot o kung may sakit ka. Lahat ng ito ay peligroso sa pagmamaneho at hindi ka dapat humawak ng manibela. Bilang dagdag, kung ikaw ay naaksidente habang nasa impluwensiya ng droga o alak maaari kang makasakit o makasagasa at baka ka pa makulong. Tataas pang lalo ang pagmumulta dahil sa pinsala at tanggalan ka pa ng lisensiya. Hindi mo kailangang sapitin ang kalagayang ganyan dahil sa kawalan mo ng pag-iingat.
5. Ang isang mabuti at matinong driver ay dapat laging tsine-tsek ang kanyang sasakyan kung nasa husto ba itong kondisyon o nasa mainam na kalagayan kung gagamitin. Tsekin ang fluids, tire pressure, salamin at tiyakin na ang iyong side mirrors ay malinis at malinaw kapag tinanaw mo sa bintana ng iyong sasakyan.
6. At panghuli, ang maging mabuti at matinong driver ay dapat laging relaks ang isipan at nasisiyahan sa lahat ng aspeto ng pagmamaneho, tulad ng pagiging malaya kung saan niya nais magpunta. Basta mag-relaks lang, magmaneho ng ligtas at i-enjoy ang pagda-drive.








Comments