Paano ba mag-donate ng goods sa nasalanta ng baha
- BULGAR

- Nov 16, 2020
- 2 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | November 16, 2020

Ang malalaking pagbaha, pagsabog ng bulkan, lindol, pananalasa ng bagyo, landslides at iba pang uri ng malulupit na hagupit ng kalikasan ay pawang mga uri ng likas na kalamidad na biglaang nagaganap kung saan halos lahat ng mga biktima ay mawawalan ng anumang bagay na kanilang pag-aari o maging ang anumang kanilang mga pinaghirapang properties ay masisira, malulubog at wawasakin ng naturang kalamidad.
Isang paraan na ang kapwa tao ay maaaring makatulong sa biktima ng mga ganitong sakuna ay ang pagdo-donate ng mga pagkain, mga gamit sa pagluluto, gamot, tubig at damit sa mga institusyon ng kawanggawa o iyong mga mapagkakatiwalaang organisasyon para makarating sa talagang mga nangangailangan.
Humanap ng maaasahang organisasyon na tumatanggap ng donasyong mga kagamitan o pagkain upang matulungan ang mga biktima ng ganitong mga sakuna. Alamin ang lahat ng listahan ng mga pangunahing institusyon ng kawanggawa na nakatutulong sa mga biktima ng naturang sakuna. Bisitahin ang website para sa higit pang impormasyon.
Kontakin ang mga kawanggawa at organisasyon na tumutulong sa mga biktima ng natural disasters. Alamin mo rin kung anong uri ng mga kasuotan ang kanilang kailangan sa lugar na binaha. Ang mga nabiktima ng bagyong Ulysses ay ang Marikina, Bagong Silangan, sa lungsod ng Quezon, Montalban at iba pang lugar sa Rodriguez, Rizal partikular sa Brgy. Wawa. Maging ang probinsiya ng Isabela, Tuguegarao at Cagayan Valley Region.
Tanungin ang mapagkakatiwalaang mong institusyong kawanggawa kung tumatanggap sila ng donasyong mga kagamitan sa mga oras na ito.
Tingnan ang laman ng cabinet. Ang pinaka-kailangan ng mga biktima ng baha ay mga damit tulad ng makakapal na pangginaw o jacket, bota, tsinelas, dami ng mga bata, at iba pang pambahay at saplot sa paa upang maprotektahan sila sa mga putik at tubig. Iyong mga naapektuhan ng naturang kalamidad ay kailangan ng mga basikong pangangailangan na ito upang mapalitan ang anumang saplot na nawala sa kanila.
Tupiin ang mga damit na napiling I-donate at ilagay ito isang kahon o plastic bag. Hindi dapat na lukut-lukot, kailangan kahit paano ay maayos ang mga kasuotang ido-donate. Huwag samahan ng hanger ang ibibigay na mga damit. Ang mga pagkain naman ay delata at bottled water.
Tawagin ang organisasyon na balak mong paglagakan ng iyong ido-donate o tanungin sila kung sila mismo ang kukuha ng mga donasyon o ikaw na ang maghahatid sa kanila. Ang bawat organisasyon ay may ibang layunin para sa pagtanggap ng donasyon.
Para sa espesipikong kalamidad, tingnan ang mapagkakatiwalang organisasyon na iyong paglalagakan ng donasyon.
Kung mismong ikaw na ang may kakilalang naapektuhan ng pagbaha ay direkta ka nang tumulong sa kanila. Alamin kung saang evacuation sila naroon o kung humupa na ang baha sa lugar ngunit patuloy silang naglilinis ng napunong putik ang kanilang tahanan ay alamin kung paano ka makapagpapadala ng tulong sa kanila lalo na kung kaibigan o kaanak.








Comments