top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Paalam, AFC Asian Cup 2023, Azkals, luhod sa Palestine

BULGAR
Jun 19, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 19, 2022



Biglang naglaho ang pangarap ng Pilipinas na makabalik sa pinakamalaking torneo ng Football sa Asya matapos paluhurin ng Palestine, 4-0, sa huling araw ng Qualifiers Round Three noong Martes sa Ulaanbaatar, Mongolia.

Kumuha ng goal ang mga Palestino kay Saleh Chihadeh (31’), Tamer Seyam (42’), Mohammed Yameen (55’) at Mahmoud Abu Warda (72’). Pinatunayan ng Palestine ang kanilang kalidad bilang kasalukuyang #100 sa FIFA World Ranking kumpara sa #133 Azkals.

Kahit nagtapos ng pangalawa sa Grupo B, nabitin ang Azkals at sila ang may pinakamababang kartada sa lahat ng mga pumangalawa buhat sa anim na grupo na unang lima lang ang tutuloy sa Asian Cup. Mayroon lang apat na puntos ang mga Pinoy buhat sa isang 1-0 panalo sa host Mongolia at 0-0 tabla sa Yemen.

Lahat ng mga ibang pumangalawa ay may anim o higit na puntos. Ang anim na mga kampeon ng bawat grupo ay tiyak na papasok kahit ano man ang kanilang huling kartada.

Sa gitna ng talo, nanatiling may pag-asa ang Azkals at nagdasal sila hanggang madaling araw na magwagi ang #168 Nepal kontra #159 Indonesia sa Kuwait. Subalit hindi nakisama ang kapalaran at dinurog ng mga Indones ang Nepal, 7-0, upang umakyat sa 6 puntos sa Grupo A at isara ang pinto sa Azkals.

Ang mga huling tiket sa Asian Cup ay mapupunta sa Jordan, Palestine, Uzbekistan, India, Bahrain, Tajikistan, Kyrgyzstan, Indonesia, Malaysia, Thailand at Hong Kong. Sasamahan nila ang mga nauna nang nakapasok na Iran, Japan, Timog Korea, Australia, Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Tsina, Iraq, Oman, Syria, Lebanon at Vietnam.

Samantala, puspusan na ang paghahanda ng Binan Football Stadium, Imus Grandstand at PFF National Training Center sa Carmona, Cavite bilang mga opisyal na palaruan ng 2022 AFF Women’s Championship mula Hulyo 4 hanggang 17. Lahat ng laro ng host Pilipinas sa Grupo A ay gaganapin sa Binan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page