Pa-concert, inuna pa ng Malacañang kaysa tugunan ang taas-presyo ng bilihin
- BULGAR
- Apr 14, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 14, 2023
ANG DAPAT ASIKASUHIN NG GOBYERNO AY ANG PAGBABA NG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN, ‘DI ANG MAGPA-CONCERT—Inanunsyo ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa kanyang vlog na magdadaos ng sunud-sunod ng konsyerto ang Filipino artists sa Malacañang, at ito ay tatawaging ‘Konsyerto sa Palasyo’ bilang handog sa sining, kultura, dedikasyon sa tungkulin ng mga sangay ng pamahalaan at ipakita sa mundo ang talento ng mga Pinoy.
Pambihira naman, imbes na tutukan ng gobyerno kung paano mapapababa presyo ng mga bilihin at bayarin, eh, ang inaasikaso ay pagpapa-concert. Buset!
◘◘◘
ANG GULO NG PULSE ASIA KASI VERY GOOD DAW ANG PERFORMANCE NI P-BBM, PERO BAD NAMAN DAW ANG PERFORMANCE NG MARCOS ADMIN—Ang mga survey firms, kapag naglabas ng resulta ng kanilang survey ay ang gulo-gulo at hindi maintindihan ng mamamayan kung ano ang dapat paniwalaan.
Tulad ng survey ng Pulse Asia, aba’y binigyan nila ng very good performance si P-BBM, tapos kasabay ng survey, 52% o majority ng Pinoy daw ang dismayado sa performance ng Marcos administration sa isyu ng sunud-sunod na inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin sa bansa.
Parang ganito ang tema ng resulta ng survey ng Pulse Asia –very good ang performance ni P-BBM, pero bad ang performance ng Marcos administration, period!
◘◘◘
KAHIT WALA PANG NAGAWA SI VP SARA NA NAGMARKA SA ISIPAN NG PUBLIKO, BINIGYAN PA RIN SIYA NG MATAAS NA RATING NG PULSE ASIA—Sa survey na ito ng Pulse Asia, si Vice Pres., Department of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio ang binigyan nila ng pinakamataas na rating sa lahat ng mga pulitkong nanunungkulan sa Pilipinas. Gayundin, sa naturang survey, tinalo pa ni VP Sara sa rating si P-BBM.
Sa totoo lang, ang daming Pinoy na napataas ang kilay sa ibinigay na rating ng Pulse Asia kay Sara kasi mantakin n’yo, wala pa naman itong nagawa o achievement na nagmarka sa isipan ng mamamayan, tapos ayon sa survey, top performer public official ang anak ni ex-P-Duterte. Boom!
◘◘◘
3 POLICE COLONELS, ‘NGANGA’ SA RAKET NA COLOR GAMES AT DROP BALLS SA BATANGAS AT LAGUNA—Patuloy na lumalawak ang raket na color games at drop balls ni ‘Aling Tessie’ dahil bukod sa nagkalat ang ganitong uri ng kanyang raket sa jurisdiction ni Batangas Police Director, Col. Pedro Soliba, pinasok na rin ng gambling queen at naglagay ng ganitong uri ng ilegal na pasugalan sa jurisdiction nina Laguna Police Director, Col. Randy Silvio at chief of police Col. Jack Angog sa Bgy. Niugan, Cabuyao City.
Naku, kapag nalaman ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin na palawak nang palawak ang raket ni ‘Aling Tessie’ at ‘nganga’ lang dito sina Col. Soliba, Col. Silvio at Col. Angog, malamang na sibak sa puwesto ang aabutin ng tatlong ito. Abangan!





Comments