P85 taas-sahod, 'di tuloy
- BULGAR

- 1 day ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | July 31, 2026

Photo: File
Hindi muna maipatutupad ang unang bugso ng P85 na minimum wage increase para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) matapos maglabas ang Pasig Regional Trial Court (RTC) ng isang status quo ante order.
Sa kautusang may petsang Hulyo 24, 2026, pinagbigyan ni Executive Judge Achilles A. C. Bulauitan ang petisyon ng Readycon Trading and Construction Corp. at R-11 Builders Inc.
Bagama’t hindi pinagbigyan ang hiling na 72-hour Temporary Restraining Order (TRO), iniutos ng korte na panatilihin muna ang status quo habang dinidinig ang aplikasyon para sa TRO. Dahil dito, pansamantalang hindi muna maipatutupad ang Wage Order No. 27.
Matatandaang inanunsyo ng DOLE noong Hunyo ang P85 na wage hike, na ayon sa Malacañang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nabatid na mahigit 1.1 milyong minimum wage earners sa NCR ang inaasahang makikinabang sana sa umento, na nakatakdang ipatupad sa dalawang yugto P60 noong Hulyo 19 at P25 sa Enero 2027.





Comments