top of page

P800 milyon sobra sa pondo, inihihirit na ibigay sa mga magsasaka

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 12, 2020
  • 1 min read

ni Thea Janica Teh | October 12, 2020




Dalawang senador ang sumang-ayon ngayong Lunes na gawing cash aid para sa mga magsasaka ang natirang pondo sa P10-billion Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) o nakolekta sa Rice Tariffication Law upang makatulong ngayong panahon ng pandemya.


Sa Senate panel deliberation ng proposed P56.8 bilyong budget sa 2021 ng Department of Agriculture ngayong Lunes, sinabi ni Senate Committee on Agriculture Chairperson Cynthia Villar na mayroon itong Senate resolution para rito.


Aniya, "Anything beyond the P10 billion will be given as cash assistance to the farmers in this time of pandemic, 'yung anything beyond the P10 billion collection in tariff.”


Dagdag pa ni Villar, umabot sa P800 milyon ang sumobra sa tax collection.


Sumang-ayon kay Villar si Senator Francis “Kiko” Pangilinan at nag-request na maging co-author ng resolution.


Sa ilalim ng Rice Tarrification Law na napirmahan noong Pebrero 2019, maglalaan ng P10 bilyon taon-taon ang pamahalaan para sa RCEF sa loob ng 6 na taon.


Sa pondong ito, mapupunta ang P5 bilyon sa rice farm machinery at equipment, P3 bilyon para sa rice seed at P1 bilyon para sa rice extension services tulad ng training para sa mga magsasaka.


Ayon naman kay Agriculture Secretary William Dar, tinatanggap umano nila ang suhestiyong ito. Aniya, titingnan nila ang taripa at kung posible muling makapagbigay ng cash assistance sa mga magsasaka.


Sinabi rin ni Dar na sa P24 bilyong inilaan ng pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, P4 bilyon dito ay gagamitin para sa social amelioration.


Pinaalalahanan ng mga senador ang DA na magbigay na ng social amelioration para sa mga magsasaka at mangingisda dahil hanggang Disyembre 19 na lamang ang Bayanihan 2.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page