P600K presyo ng modern jeepney, inihirit
ni Ryan Sison @Boses | April 15, 2023
Ipinanawagan ng isang mambabatas sa administrasyong Marcos na ibaba ang presyo ng bawat unit ng modern jeep sa P600,000 hanggang P1 milyon sa halip na P2 milyon ang halaga nito.
Ito ang naging pahayag ni House ways and means panel chairperson at Albay’s 2nd District Rep. Joey Salceda na dapat munang tiyakin ng gobyerno na ang domestic jeepney manufacturing sector ay isang opsyon para sa PUV (Public Utility Vehicle) modernization program, at tulungan ito sa paggawa ng mas mura, ngunit katulad na moderno at episyenteng mga yunit.
Paliwanag niya, kung kaya natin ang halaga ng unit sa P600,000 hanggang P1 milyon, magiging mas makatotohanan ito para sa jeepney operator at sa cost-benefit basis. Sa tingin ng mambabatas, ang domestic manufacturing sector ay kayang gawin ito, pero kailangan natin aniya silang suportahan.
Ayon kay Salceda, ang pagkuha sa mga local manufacturers ay magbubunga ng tinatawag na return of investment sa loob ng pitong taon.
Sa pagkiling sa domestic manufacturers aniya, magdadala lamang ito ng mga problema sa katagalan dahil kapag dumating ang panahon na ang mamahaling modern jeepney ay magretiro na, hindi na gagawin ito ng mga operator dahil hindi pa nila nababayaran ang kanilang gastos.
Sinabi rin ni Salceda na kung walang subsidies, ang mga operator ay mangangailangan ng hanggang 22 taon upang mabawi ang halaga ng kanilang mga investment sa mga bagong jeepney.
Nanawagan din si Salceda sa gobyerno na mag-buy out ng mga lumang jeepney para sa cash at ikonsidera ang mga emission “on a per capita basis,” dahil ang mga modern jeepney ay kayang mag-accommodate ng mas kaunting mga pasahero kaysa sa mga tradisyunal na jeepney.
Batay sa mga state-run banks na LandBank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP), nasa P2.3 milyon hanggang P2.8 milyon ang kasalukuyang halaga ng bawat unit ng isang modern jeepney.
Kapag tuluyang naibaba ang presyo ng bawat unit ng modern jeepney, mas maraming makikinabang dito na mga driver at operators.
Halos kalahati kasi ang mababawas at matitipid habang hindi na rin aabutin ng maraming taon ang kanilang pagbabayad nito.
Marahil, dapat aksyunan agad ito ng ating gobyerno at huwag nang patagalin pa dahil malaking tulong sa kanila na gusto na ring makabawi sa kanilang pamilya at kabuhayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments