P6.4B pondo mula sa Marcopper settlement, gamitin sa Marinduque rehab — NGO

ni Mylene Alfonso @News | November 11, 2026

Photo: File / Gov. Mel Go - Marinduque
Nanawagan ang Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC) kay Governor Melecio Go na pabilisin ang rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng pagmimina gamit ang P6.4 bilyong Marcopper settlement.
Kasunod ito ng pagkuwestiyon ni Go sa legalidad ng Provincial Ordinance No. 250, na nagtatakda ng mga mekanismo sa paggamit ng pondo at pagpapatupad ng rehabilitasyon.
Ayon kay MACEC Chairman Fr. Arvin Madla, kailangang agad tipunin ang Rehabilitation and Remediation Oversight Committee at bumuo ng komprehensibong rehabilitation master plan.
Binigyang-diin din niya ang agarang pagsusuri sa Maguila-guila at Makulapnit dams dahil sa posibleng panganib sa mga kalapit na komunidad.
Matatandaang nagdulot ng malawakang pinsala sa kapaligiran ang trahedya sa pagmimina ng Marcopper noong 1996. Noong Oktubre 2026, naideposito na sa trust fund ng lalawigan ang paunang bayad na humigit-kumulang $50.71 milyon mula sa settlement.
Giit ng MACEC, dapat tiyaking mabilis, transparent at responsable ang paggamit ng pondo upang hindi na maantala ang rehabilitasyon at pagbangon ng mga apektadong komunidad.





Comments