P500B Maharlika Fund ‘pag nalugi, alam na!
- BULGAR
- Jul 19, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | July 19, 2023
WALA NANG ATRASAN, ISUSUGAL NA NG MARCOS ADMIN ANG KABAN NG BAYAN AT PERA NG BAYAN NA IPANGPOPONDO SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND -- Pinirmahan na ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang Maharlika Investment Fund (MIF) bill kaya ganap na itong batas, at ang ipangpopondo rito na P500 billion ay kukunin sa kaban ng bayan at pera ng mamamayan sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance Service (GSIS), PhilHealth, Pag-ibig Funds, Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).
Dahil pirmado na ‘yan ng Presidente, ibig sabihin ay wala nang atrasan, tuloy na tuloy nang isusugal sa investment ang kaban ng bayan at pera ng mamamayan, boom!
◘◘◘
MAY DAHILAN MAGALIT ANG MAMAMAYAN KASI BAKA KURAKUTIN LANG AT PALABASING NALUGI ANG P500-B INVESTMENT FUND -- Matapos pirmahan ni P-BBM ang Maharlika Investment Fund sa Malacañang, ay nagpa-picture siya kasama ang ilang senador, kongresista at miyembro ng gabinete at ang gaganda ng ngiti nilang lahat.
‘Yun nga lang, habang kaygaganda ng ngiti ng mga nasa Malacañang, may mga netizens na “angry” at “sad” ang reactions sa social media.
May dahilan talagang magalit at malungkot ang netizens, kasi hindi naman tiyak na kikita ang Maharlika Investment Fund, kasi kung mga alagang “buwaya” ng mga trapo (traditional politicians) ang mamamahala diyan, ay mas lamang na makurakot lang at palabasing nalugi ang P500-B government investment fund na ‘yan, period!
◘◘◘
MAHARLIKA INVESTMENT FUND BAKA MATULAD SA UNIVERSAL HEALTH CARE, NATIONAL ID AT RICE TARIFFICATION LAW -- Ang Maharlika Investment Fund law ay baka matulad sa Universal Health Care law, National ID law at Rice Tariffication law.
Sinuportahan ng publiko ang Universal Health Care kasi para raw ito sa libreng pagpapagamot ng lahat ng mamamayan, pero nang maisabatas na, nagbabayad pa rin ang mga pasyente sa ospital. Sa National ID naman, para raw lahat ng Pinoy ay may ID, pero nang maisabatas, papel na ID ang ipinamigay. At ang Rice Tariffication naman ay para raw bumaba ang presyo ng bigas, pero nang maisabatas na, mas lalong tumaas ang presyo ng bigas.
Kaya ‘yang Maharlika Investment Fund na kikita raw sa investment, baka kabaligtaran din ang mangyari d’yan, palabasing nalugi, pero kinurakot, boom!
◘◘◘
TIGAS NG ULO NI ‘MARIO BOKBOK’ KASI BALIK NA NAMAN ANG RAKET NIYA SA MALABON CITY -- Balik-operasyon na naman daw ang sakla at lotteng operations ni “Mario Bokbok” sa Malabon City. May katigasan palang talaga ang ulo ni “Mario Bokbok” kasi ipinatigil na ni Mayor Jeannie Sandoval ang kanyang raket, tapos balik pangraraket na naman siya sa Malabon, tsk!





Comments