P31-M halaga ng gamot, ‘wag hayaang matengga, ipamigay sa mga nangangailangan
ni Ryan Sison - @Boses | November 2, 2022
Nasa P31 milyong halaga ng gamot, medical supplies at commodities ang naihatid ng Department of Health (DOH) sa mga rehiyon na labis na naapektuhan ng Severe Tropical Storm Paeng.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang mga suplay ay dinala na sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), Calabarzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Caraga, Bangsamoro Region at National Capital Region (NCR), bago pa man tumama ang bagyo.
Gayundin, mayroong P72 milyong halaga ng commodities na inihanda para sa mobilization sa DOH Central Office Warehouse.
Bukod pa sa mga nabanggit, may mga idineploy ding tauhan ng Human Resources for Health (HRH) sa 633 evacuation centers sa bansa upang siguraduhing patuloy ang provision ng essential health care services sa mga lugar na sinalanta ng bagyo. Inatasan din ang mga ito na i-screen ang mga evacuees at tutukan ang health, nutrition, medical, psychosocial at water-sanitation-hygiene services. Nagsagawa rin ang mga ito ng rapid health assessments para ma-evaluate ang kondisyon ng mga apektadong indibidwal.
Magandang balita na napaghandaan ng ahensya ang pangangailangan ng mga nasalanta.
Hiling lang natin na mapakinabangan ang mga naturang gamot at ‘wag hayaang matengga ang mga ito.
Samantala, kasabay ng patuloy na pag-iingat laban sa COVID-19, hangad nating napaghandaan din ang mga posibilidad ng outbreak ng iba pang mga sakit tulad ng leptospirosis, dengue, gayundin ang mga waterborne at foodborne illnesses.
Sa dami ng sakit na posibleng tumama sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo, batid nating nakaalerto ang ahensya at handang umaksyon anumang oras.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments