P29.3B pambili ng mga barko, dagdag-depensa sa ‘Pinas
ni Ryan Sison @Boses | November 12, 2023
Upang mapalakas ang kakayahan at kapabilidad ng Pilipinas sa pagpapatrulya sa karagatan na sakop ng ‘exclusive economic zone’ inaprubahan na ng Malacañang ang pagbili ng Philippine Coast Guard (PCG) ng limang bagong barko mula sa Japan.
Nasa P29.3 bilyong pondo ang suportang ibinigay ni Pangulong Bongbong Marcos para sa limang 97-meter multi-role response vessels (MRRVs) sa ilalim ng Maritime Safety Capability Improvement Project (MSCIP) Phase 3, ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.
Sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA) loan ng Japan, nakapaloob sa naturang pondo ang mabubuong design, construction, at delivery ng limang MRRVs.
Ginawa ng Pangulo ang desisyon kasunod ng pangangailangan ng PCG na mapalakas ang kanilang kapabilidad upang labanan ang anumang ilegal na aktibidad at mapatupad ang tinatawag na law of the sea o batas pangkaragatan sa loob ng EEZ ng ating bansa.
Matatandaan nitong Huwebes ay binomba na naman ng China Coast Guard, ang mga barko ng ‘Pinas na may dalang supply para sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Sa kabila ng nangyari, naging matagumpay nman ang kanilang misyon.
Nangako naman ang PCG na patuloy nilang poproteksyunan ang teritoryo at soberenya ng ‘Pinas upang mapangalagan ang mga mangingisdang Pinoy at mga mamamayan.
Nararapat lang na paghandaan natin ang anumang banta ng pananakop sa ating bansa.
Ang pagkakaroon ng mga barkong tulad nito ay makakatulong nang malaki at makapagpapalakas ng ating kapasidad na maprotektahan ang ating teritoryo.
Mainam din na may kaalyado tayong mga bansa gaya ng Japan na sumusuporta para sa kinakailangan nating mga kagamitan.
Para sa kinauukulan, sana ay mas patatagin at palakasin n’yo pa ang inyong depensa upang malabanan ang mga ilegal na gawain sa ating karagatan.
Dasal din natin na sana ay tigilan na ng China ang kanilang ginagawang pangha-harass at matuto silang sumunod sa ipinatutupad na batas pangkaragatan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments