P20K Housing Assistance para sa pamilyang binagyo
- BULGAR
- Aug 21, 2023
- 1 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 21, 2023
Sinimulan na ng National Housing Authority (NHA) nitong Sabado, August 19, ang pamamahagi ng P20,000 cash assistance para sa mga pamilya na napinsala o nawasak ang kanilang mga bahay dahil sa Super Typhoon Egay noong nakaraang buwan.
Batay sa ulat, may kabuuang 641 pamilya ang nakatanggap ng cash aid sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Abra.
Ayon sa NHA, naglaan sila ng kabuuang P50 milyon para sa naturang programa.
Layunin ng kagawaran na tapusin ang distribusyon ng cash assistance ngayong buwan.
Malaking tulong ang isinasagawa ng gobyerno para sa mga Kababayan natin na nasalanta ng bagyo.
Hindi kasi biro ang mawalan ng tirahan nang isang iglap lamang na matagal na pinaghirapan at ilang taon na ipinundar.
Bukod pa rito ang isiping ang iyong buong pamilya ay maaaring manirahan sa evacuation center o sa lansangan.
Subalit dahil sa pagkilos ng pamahalaan, sadyang magdudulot ito ng kaginhawaan para sa kanila. Unti-unti ay makakabangon sila habang makakapagsimulang muli ng kanilang maayos na pamumuhay.
Hiling natin sa kinauukulan na tuluy-tuloy sana ang magagandang plano at mga programa na makakatulong hindi lang sa mga sinalanta ng bagyo at susuporta lalo na sa mahihirap na mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments