top of page

P200 sa Kamara, P100 sa Senado... Labor groups: Dagdag-sahod, budol

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 13
  • 2 min read

ni Mylene Alfonso @News | June 13, 2025



File Photo: Reuters


Nagsagawa kahapon ng noise barrage ang labor groups sa Boy Scout Circle sa Quezon City kasunod ng adjournment ng 19th Congress nang hindi niratipikahan ang panukalang batas na magtataas ng minimum wage ng mga manggagawa.


Bagama't iminungkahi ng Senado ang P100 na dagdag-sahod isang buwan bago ipasa ng Kamara ang P200 na bersyon nito, nabigo ang dalawang kapulungan na magkaroon ng consensus sa huling sesyon ng Kongreso.


Ayon kay Josua Mata, NAGKAISA Labor Coalition convenor, isinabay nila ang protesta sa Araw ng Kalayaan dahil hindi natamo ng mga manggagawa ang tunay na kalayaan habang tinitiis ang sahod sa kahirapan at mapagsamantalang kondisyon.


“Kami po ay galit na galit sa ginawa ng Kongreso doon sa wage increase bill. Pinaasa nila ang mga manggagawa mahigit dalawang taon. Dapat ay nagse-celebrate tayo ng ating kalayaan subalit 'yung ginawa ng Kongreso at ng Malacañang sa amin kahapon ay pagpapaalala lamang sa ating manggagawa na hindi pa tapos ang ating laban para sa ganap na kalayaan,” pahayag ni Mata.


Tinawag din ng koalisyon ang kabiguan na maipasa ang wage hike bill na "isang napakalaking pagtataksil" sa mga manggagawa, na sinasabing inilantad nito ang katapatan ng mga mambabatas sa mga kapitalista.


“Congress could have corrected a historic problem created ng mga regional wage board natin for 3 decades. Ano 'yung problema na 'yun? Lahat ng mga minimum wage earners sa buong Pilipinas ay below poverty threshold,” punto ni Mata.


“If they had granted as P200, almost all regional wage levels will be lifted above the poverty threshold, which means at least four million na mga manggagawa o minimum wage earners ay maiaangat natin sa kahirapan. Subalit hindi po 'yan ginawa,” saad pa nito.


“Para sa amin 'yan ay fear mongering. Posible pa magkaroon ng dagdag- trabaho dahil once you give money sa mga manggagawa, more workers with more money means mas marami sa kanila ang magpa-participate sa ating economy, and therefore, it can drive the economy further,” hirit ni Mata.


Dagdag ng koalisyon na sa pagtatapos ng 19th Congress ay hindi sila titigil sa kanilang kampanya para sa patas na sahod at katarungan sa ekonomiya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page