P2 dagdag-pasahe, maliit para sa mga tsuper, mabigat naman sa mga komyuter
ni Ryan Sison - @Boses | July 2, 2022
Hindi sapat para sa ibang jeepney driver ang ipinatutupad na dagdag sa minimum na pamasahe.
Mula kahapon, Biyernes, P11 na ang minimum fare sa mga traditional jeep sa buong bansa, habang P13 naman sa modern jeep.
Ngunit imbes na matuwa, naninindigan ang ibang tsuper na masyadong maliit ang umento, lalo’t patuloy ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin at petrolyo. Iginiit naman ng ilang drayber na matumal ang kanilang mga pasahero dahil mas maraming tumatangkilik sa Libreng Sakay ng gobyerno.
Kaya kahit lagpas 14-oras umanong pumapasada ang karamihan sa kanila, P500 lamang ang naiuuwing kita sa pamilya at minsan ay mas mababa pa. Bagay na kulang na kulang, lalo pa’t mataas ang presyo ng mga bilihin.
Samantala, matatandaang noong Hunyo, pinatigil na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang ruta ng libreng sakay, kaya naman may mga tsuper ding nangangamba na hindi sapat ang kanilang kikitain kumpara sa natatanggap sa naturang programa.
Kung kulang para sa mga tsuper ang dagdag-pasahe, umaaray naman ang mga pasahero.
Masasabing tuluyan nang naipasa sa mga pasahero ang problema sa non-stop oil price hike.
Bagama’t nauunawaan ng ilan na hindi na talaga mapigilan ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kahit kabawasan sa budget, tinanggap na lang ang dagdag-pasahe.
Habang para sa ilan, mabigat ang P2 dahil ‘di lamang sila isang beses na sasakay ng jeep at kung susumahin, malaking bagay ang baryang ito.
Batid nating ginagawa ng mga kinauukulan ang kanilang makakaya para matugunan ang problemang ito, at sana, win-win ang solusyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments