P1B nakolekta mula sa mga pasaway na motorista

ni Ryan Sison @Boses | July 10, 2024

Aabot sa P1 bilyon ang revenue o kita na nakolekta ng gobyerno mula sa mga penalty na ibinayad ng mga traffic violator sa unang kalahati ng taong 2024.
Batay sa datos ng Land Transportation Office (LTO) lumabas na may kabuuang 330,073 motorista ang nahuli sa buong bansa mula January 1 hanggang June 30 ngayong taon dahil sa iba’t ibang paglabag ng mga ito sa trapiko.
Hindi pa lahat ng mga nahuling motorista ay nakapag-settle na ng kanilang mga multa at penalty, pero may kabuuang P986.5 milyon na ang nakolekta ng kagawaran mula nga nitong first half ng taon.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang halos P1 bilyong koleksyon mula sa mga multa at penalties pa lamang ay resulta ng pagsisikap ng mga law enforcer at iba pang personnel na nasa ground, at hindi aniya, nila makakamit ito kung hindi dahil sa dedikasyon at commitment din ng mga ito na tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa kalsada.
Sinabi pa ni Mendoza na inaasahan din nila na mas tataas ang kanilang makokolekta kapag nag-settle na ng penalties at fines ang mga nahuling motorista.
Kaya naman hiling ng opisyal sa mga pasaway na motoristang makipag-ayos na sa ngayon dahil kung hindi pa nila ito gagawin ay magreresulta lamang sa mas mataas na multa at penalties, na ang ibig sabihin ay mas malaki ang kanilang babayaran.
Kaugnay nito, nasa P33 bilyon ang target na revenue collection ng LTO para sa taong 2024. Nakapagtala naman na ang kagawaran ng P17.9 bilyon, kung saan mas mataas ng 34% para sa parehong panahon noong 2023.
Bukod sa mga multa at penalty, ang iba pang pinagkukunan ng kita ng LTO ay kinabibilangan ng mga motor vehicle user charges at mga driver’s license transaction.
Mainam at nakakolekta ang pamahalaan ng halos isang bilyong kita nang dahil ito sa mga pasaway na motorista.
Kung responsable rin kasi ang ating mga kababayan at seryosong sumusunod sa batas-trapiko ay hindi rin naman sila pagmumultahin o pagbabayarin ng napakalaking penalty sa bawat paglabag nila.
Para sa iba na hindi pa inaayos ang kanilang charges at nagpapatumpik-tumpik pa, mabuting asikasuhin na ito ngayon dahil baka umabot sa puntong magkapatong-patong na ang mga dapat ninyong bayaran na kalaunan ay lalo lang kayong mahirapan.
Hiling naman natin sa kinauukulan, sana ang nakolektang halagang ito at makukuha pa ay talagang magagamit sa mas makabuluhang proyekto at programa para sa mga mamamayan at huwag nawang mapunta sa bulsa ng sinuman.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments