P13M civil damages vs. broadcaster, isinampa ni Cong. Tarriela
- BULGAR

- 1 hour ago
- 1 min read
ni Jeff Tumbado @News | June 16, 2026

Photo: Leody Odie Tarriela - FB
Naghain si Occidental Mindoro Lone District Rep. Leody “Odie” Tarriela ng civil complaint at humihingi ng P13 milyong danyos laban sa broadcaster na si Radamalyn “Boy Kamandag” Cardoza dahil sa umano’y walang basehang reklamongisinampa nito sa Office of the Ombudsman kamakailan.
Inihain ang kaso sa Regional Trial Court ng Muntinlupa at nag-ugat sa mga alegasyong iniharap ni Cardoza noong Marso 2026 kaugnay ng mga flood control project sa Occidental Mindoro.
Ayon kay Tarriela, gawa-gawa at may motibong pampulitika ang mga paratang laban sa kanya ng broadcaster.
Sa isang pahayag, sinabi ni Tarriela na layunin lamang umano ng reklamong isinampa laban sa kanya na siya ay gipitin at siraan, at iginiit na walang matibay na ebidensiyang naiharap upang patunayan ang mga akusasyon.
Ayon pa sa kongresista, nakakuha na siya ng clearance mula sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) at Department of Justice (DOJ) matapos ang isinagawang imbestigasyon sa usapin ng flood control projects.
Aniya, wala ring kasong isinampa laban sa kanya dahil walang nakitang sapat na batayan upang maiugnay siya sa anumang iregularidad.
Dagdag ni Tarriela, inalis na rin ang kanyang pangalan sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ng DOJ at Bureau of Immigration, na dati umanong naglimita sa kanyang paglalakbay.
Samantala, sa panig naman ni Cardoza, pinayuhan umano siya ng kanyang abogado na huwag munang magbigay ng anumang komento habang inihahanda nila ang kanilang counter-affidavit.





Comments