P13B proyektong 'new air traffic system', ibinulsa ng mga 'buwaya'?!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Enero 8, 2023
BULOK ANG JUSTICE SYSTEM NG 'PINAS KASI KAPAG RICH ANG MAY KASO, ANG BILIS LITISIN—Ang pag-absuwelto ng Las Piñas Regional Trial Court sa drug case ni Juanito Jose Remulla III, anak ni Justice Sec. Crispin Remulla, na ang paglilitis ng korte ay ginawa lang sa loob ng 75-araw ay pagpatunay na hindi patas ang batas sa Pilipinas.
Sa mayaman at mahirap kasi ang mga kasong kinasasangkutan ng maralitang mamamayan ay ilang taon ang nakalipas, pero hanggang ngayon ay niliitis pa ang kaso.
Ganyan kabulok ang justice system sa 'Pinas. Tsk!
◘◘◘
KUNG PINAGBAKASYON MUNA NOON NI P-BBM SI JUSTICE SEC. REMULLA, HINDI SANA SIYA NADADAMAY SA BATIKOS NG PUBLIKO—Damay si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa pambabatikos ng publiko kaugnay sa mabilisang pag-absuwelto ng korte sa drug case ni Justice Sec. Remulla.
May dahilan ang mamamayan na idamay sa batikusin si P-BBM dahil hindi niya sinibak sa puwesto noon si Justice Sec. Remulla nang mahulihan ng droga ang anak nito.
Kung sana ay pinagbakasyon muna ni P-BBM si Justice Sec. Remulla, hindi sana nababatikos ngayon ang pangulo sa pag-absuwelto ng korte sa anak ng justice sec.
◘◘◘
P13B PROYEKTONG 'NEW AIR TRAFFIC SYSTEM', IBINULSA NG MGA 'BUWAYA'?—Noong 2018 ay naglabas ng pondong higit P13B ang nakalipas na Duterte administration para sa proyektong "New Air Traffic Syste", ang masaklap ngayon sa nangyaring aberya sa mga paliparan, ang sabi ng mga taga-CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines) ay "outdated" na ang "Air Traffic System" ng bansa.
Dahil d'yan ay lumalabas na sa bulsa pala ng mga "buwaya" napunta ang P13B at hindi sa proyektong "New Air Traffic System" ng CAAP!
◘◘◘
SANA HINDI LANG PAEPAL ANG GAGAWING IMBESTIGASYON NG SENADO SA P13-B PROYEKTONG 'NEW AIR TRAFFIC SYSTEM'—Sana magkaroon ng katuturan ang gagawing imbestigasyon ng Senado tungkol sa aberyang nangyari sa mga paliparan sa bansa noong Enero 1, 2023 at kung saan talaga napunta ang P13B pondo para sa proyektong "New Air Traffic System".
Huwag naman sanang gusto lang umepal ng mga senador sa isyung ito kasi sa totoo lang, ang daming pinapelang isyu ang Senado, pero sa bandang-huli ay wala rin nangyayari sa kanilang Senate probe, lusot sa kaso ang mga namerwisyo at nambulsa sa kaban ng bayan.





Comments