P10k multa sa pasaway sa "no plate, no travel" policy
ni Ryan Sison @Boses | June 14, 2023
Mas mahigpit nang ipatutupad ang “no plate, no travel” policy sa buong bansa ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang naging pahayag ni PNP chief Benjamin Acorda, Jr. sa ginanap na command conference kamakailan.
Sa tulong ng Highway Patrol Group (HPG), ayon kay Acorda, mababantayang mabuti ang mga motoristang gumagamit ng kanilang sasakyan na walang plaka.
Partikular din aniyang matututukan nito, ang mga motorsiklo na walang plaka na nagagamit naman sa krimen.
Binigyang-diin naman ni Acorda na hindi exempted sa naturang polisiya ang kapulisan.
Giit ng opisyal, kailangang matuto ang lahat na sumunod sa batas.
Ayon sa PNP chief, ang sinuman sa kanilang mga tauhan na mahuhuling gumagawa ng ganitong labag sa batas o unlawful act ay mahaharap sa kaukulang mga kasong administratibo at kriminal.
Paliwanag pa ni Acorda, dapat na maging ehemplo ang PNP sa mga mamamayan at mapanatili ang respeto sa kanilang hanay.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Land Transportation Office (LTO) upang patuloy ang pagpapatupad ng “no plate, no travel” policy sa buong bansa.
Batay sa “no registration, no travel” policy na nakapaloob sa 2015 Joint Administrative Order, na inisyu ng Department of Transportation and Communication (DOTC) at LTO, ang lahat ng motorsiklo na bibiyahe ay kailangan na may valid plate number. Multang P10,000 ang ipapataw sa mga may-ari ng unregistered motorcycle habang P1,000 sa drayber ng motorsiklo.
Mahusay ang polisiyang ipapatupad na ito ng gobyerno. Marami na rin kasing mga sasakyan na bumibiyahe sa kalsada, lalo na ang mga motorsiklo na tila hindi makita ang mga plaka nito o wala talagang nakakabit na plaka.
Masaklap pa kung minsan, malalaman mo na lang na walang plaka o paso na ang plaka ng sasakyan kapag nasangkot na ito sa disgrasya.
Dapat din tayong sumunod sa polisiyang ito at iparehistro na natin ang ating mga sasakyan upang magkaroon ng balidong plate number.
Sa kinauukulan, magtuluy-tuloy sana ang implementasyon nito at hindi maging ningas-kugon lamang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments