P10k ayuda sa OFWs na wala pang back pay sa Saudi Gov’t
ni Ryan Sison @Boses | March 9, 2023
Mahigit na sa tatlong buwan mula nang ipahayag at mangako si Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia ang siyang sasagot sa mga unpaid wages ng mahigit sa 10,000 OFWs na nagtrabaho mula sa mga na-bankrupt o nagsarang kumpanya ng langis noong 2015 at 2016, subalit hanggang ngayon ay naghihintay pa rin sa pangakong ito.
At dahil maraming apektadong OFWs na wala pa ring mga trabaho, ayon sa pamahalaan, magbibigay muna sila ng P10,000 bilang tulong sa bawat manggagawa na naghihintay sa Saudi government na tuparin ang kanilang pangako.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople, minabuti ng gobyerno na makapagbigay ng humanitarian package sa mga naturang kababayang OFWs.
Aniya, maaaring simple subalit umaasa siya na kahit papaano ay makatutulong ito, lalo na sa mga maysakit o hindi na makakuha ng trabaho, partikular din sa mga pumanaw at sa kanilang mga pamilya.
Ipinahayag naman ng kalihim na ang pondo para sa nasabing inisyatiba ay manggagaling sa DMW at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Binanggit ni Ople na isang memorandum of agreement (MOA) ang lalagdaan nila ni DSWD Secretary Rex Gatchalian para ayusin ang scheduling nito sa lalong madaling panahon.
Nar’yan na rin aniya ang pera at kailangan na lamang nilang isapinal ang mga mechanics at guidelines, habang ang OWWA ang siyang magre-release nito.
Sa panayam pa kay Ople, sinabi nitong ang Saudi Labor Secretary ay nagbitaw na ng pangako sa kanila para resolbahin ang isyu at pinal na mabayaran ang mga back wages ng mga migrant workers.
Bilang tugon, nakatakdang magtungo si DMW Undersecretary Bernard Olalia sa Saudi Arabia sa Marso 19 upang ipagpatuloy ang mga negosasyon at mga paunang pag-uusap.
Malaking tulong ito ng kinauukulan sa ating mga OFWs na nawalan ng trabaho, wala pang natanggap na suweldo.
Maliit mang halaga, makapagbibigay naman ito ng ginhawa sa kanilang pamilya.
Sana lang maging maganda na ang resulta ng muling pag-uusap ng pamahalaan at gobyerno ng Saudi Arabia para matupad na rin nila ang kanilang pangako sa mga OFWs at maibigay ang hinihintay nilang sahod.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments