top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

P100K multa, 2 yrs. kulong sa pasaway sa SIM Registration

BULGAR
Dec 18, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 18, 2022


Aabot sa P100,000 multa o anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakakulong ang parusa sa sinumang mamemeke ng dokumento at masasangkot sa iba pang paglabag sa kapapasa lamang na SIM registration law.


Ito ang babala ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Usec. For Public Affairs and Foreign Relations Anna Mae Lamentillo, kung saan bukod sa pamemeke ng dokumento, kabilang din sa mga maaaring parusahan sa pamamagitan ng naturang batas ay ang breach of confidentiality, pagbebenta ng registered SIM, anumang pagpapabaya na mauuwi sa iba pang paglabag, spoofing at pagnanakaw ng registered SIM.


Binigyang-diin ng opisyal na posibleng maparusahan ang masasangkot sa naturang gawain dahil maituturing itong pagsisinungaling. May parusa rin aniya ang pagbibigay ng pekeng pagkakakilanlan at fraudulent identification document.


Samantala, gagawin namang online ang pagpaparehistro, bagay na makakatulong sa mga OFWs na mairehistro ang kanilang roaming SIM. Habang ang mga SIM ng menor-de-edad ay dapat nakarehistro sa ilalim ng pangalan kanilang mga magulang.


Upang makapagrehistro, kailangang magpresinta ng ID na may litrato tulad ng passport, National ID, SSS ID, GSIS ID, police clearance, NBI clearance at PRC.


Matatandaang, kamakailan ay inilabas ng National Telecommunications Commission (NTC) ang implementing rules para sa naturang batas na mag-oobliga sa lahat ng SIM users na magparehistro ng kanilang numero, 180-araw mula Disyembre 27.


Batid nating hindi nagtatapos sa pagpasa ng batas ang pagsugpo sa pamamayagpag ng text scam. Unang hakbang pa lamang ito at umaasa tayong tatalima ang lahat para mabawasan ang krimen na nagaganap sa bansa.


Habang sinisikap ng gobyerno na matugunan ang problema rito, hiling din natin ang matinding kooperasyon ng taumbayan. Kaya pakiusap sa lahat, seryosohin ang batas dahil para ito sa ating ikabubuti.


Hindi tayo nagkulang sa pagpapaalala at pagbibigay-babala, kaya kung may masasampolan, pasensyahan na lang.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page