P1.1-B pondo sa pa-bigas, para sa Gov’t employees at ‘di sa bulsa ng mga buwaya
- BULGAR
- Apr 16, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 16, 2023
MGA PULITIKONG NAG-ROTC NOON, WALA PA RING DISIPLINA KASI BAD ANG MANGURAKOT, PERO NANGUNGURAKOT PA RIN—Sabi ng mga senador at kongresistang nagsusulong ng mandatory ROTC o Reserve Officers’ Training Corps, mainam na pairalin ulit ito sa kolehiyo para raw magkaroon ng disiplina sa sarili ang mga mag-aaral.
Weh, ‘di nga? Sa totoo lang, maraming pulitiko ngayon na nag-ROTC noon ang wala pa ring disiplina dahil alam naman nilang bad ang mangurakot, pero nagnanakaw pa rin sa kaban ng bayan. Boom!
◘◘◘
MGA NA-SURVEY NA PABOR SA ROTC, SILA RIN KAYA ‘YUNG BUMOBOTO SA MGA KURAKOT NA TRAPO?—Sa survey ng Pulse Asia, halos 80% ng mga Pinoy ang nais ibalik ang mandatory ROTC sa kolehiyo.
Kung totoo ang resulta ng survey na ito, malamang ay ‘yung mga na-survey na pabor sa mandatory ROTC ay sila rin ang bumoboto sa mga kurakot na traditional politicians (trapo) tuwing halalan.
Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng mamamayan na kaya ipina-stop noong 2001 ang mandatory ROTC ay dahil tadtad ito ng korupsyon, pinatay pa ang whistle-blower na si ROTC cadet Mark Chua. At sa kabila ng pangyayaring ito, ‘yung 80% ng Pinoy na na-survey ng Pulse Asia ay pabor pang ibalik ang mandatory ROTC kahit ang programang ito ay nagiging source lang ng korupsyon, period!
◘◘◘
SANA HINDI SA BULSA NG MGA ‘BUWAYA’ MAPUNTA ANG P1.1-B PANG-BIGAS NG MGA GOV’T EMPLOYEES—Nagkaloob ng P1.1 billion ang Department of Budget and Management (DBM) sa National Food Authority (NFA) para sa rice subsidy sa mga kawani ng pamahalaan.
Sana, totoong sa pa-bigas ng mga kawani ng gobyerno mapupunta ang pondong ‘yan, at hindi sa bulsa ng mga ‘buwaya’ sa NFA. Boom!
◘◘◘
MGA VLOGGERS NA NANGHIHIKAYAT SA FOLLOWERS NA MAGSUGAL, DAPAT I-UNFOLLOW NG NETIZENS—Parami nang parami ang mga social media vloggers ang nanghihikayat sa kanilang followers na magsugal sa online illegal gambling na ‘PhlWin’.
Panawagan natin sa netizen, walang nananalo sa sugal at masisira lang buhay nila rito.
At para hindi sila makumbinsing magsugal, dapat ay i-unfollow na nila sa social media ang mga vloggers na nanghihikayat sa kanila na magsugal sa ‘PhlWin’, period!





Comments