P-Duterte, ‘wag kunsintihin ang mga buwitre sa gobyerno...
- BULGAR
- Jun 29, 2020
- 2 min read
isyu ng overpriced na fertilizer, pakialaman!
ni Ka Ambo - @Bistado | June 29, 2020
May dalawang bansag sa mga mandarambong sa gobyerno.
Ito ay ang “buwaya” at “buwitre”!
◘◘◘
Ang buwaya, kapag may oportunidad ay sasagpangin agad ang kanyang biktima nang walang kamalay-malay.
Nandurugas ang “buwaya” batay sa oportunidad!
◘◘◘
Kakaiba ang buwitre kasi’y ang buwitre ay hindi lamang sumasagpang ng buhay ng biktima, kundi kahit bulok na ang katawan ng biktima — susupsupin pa nito ang nalalabing tuyot na dugo upang mapuno ang kanyang sikmura.
Opo, patay na ang biktima ay sinusupsop ng buwitre ang kalititi na laman at kahit ultimo huling patak dugo nito ay nais pagpiyestahan!
◘◘◘
Hindi angkop na tawaging buwaya ang mga mandarambong na ehekutibo ng Department of Agriculture at mga kakutsabang negosyante.
Bagkus, pinakaangkop na bansagang silang “buwitre” sapagkat ang mga dati nang nagdarahop na magsasaka ang kanilang biktima — sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kahit si Pangulong Duterte ay nangingilabot sa sitwasyong nandarambong ang mga ehekutibo ng gobyerno at tiwaling negosyante sa gitna ng krisis na nararanasan ng bansa!
◘◘◘
Isipin mo, ang ayuda ng gobyerno sa mga magsasaka na P1.8 bilyong halaga ng fertilizer, diumano’y in-overpriced ng mahigit P271 milyon.
Malinaw na may pinaboran ang subasta dahil nagpatong ang mga ito ng P150 kada sako sa retail price na P850—at ginawang P1, 000!
◘◘◘
Magsasagawa na ng pagdinig ang Senado at Kamara ng mga representante nang pumalag ang iba’t ibang lehitimong grupo ng mga magsasaka.
Kabilang sa ebidensiya ay ang mga resibo sa biniling pataba retail outlet na pumalo lamang sa P840, P830, at P810 kada sako — napakalayo sa P1, 000 presyo ng DA!
◘◘◘
Ang pondo ay mula sa pandemic fund ng DA sa ilalim ng stimulus program Ahon Lahat, Pagkaing Sapat Kontra COVID-19 (ALPAS sa COVID-19 na naglaan ng P5. 69 bilyon para sa urea fertilizer.
Sinasabing direct importer ang mga winning bidders pero ang kanilang presyo ay mas malaki pa kaysa sa umiiral na retail price.
Kung direct importer, dapat higit na mabababa ito kaysa sa umiiral na presyo sa merkado!
◘◘◘
Sinasabing wala ring istak sa warehouse ang mga winning bidder na ang ibig sabihin — ang dokumento sa subasta ay posibleng ginamit na garantiya upang makaangkat ng produkto mula sa ibang bansa.
Ang tumpak na kalakaran ay dapat nasa “bodega o warehouse” na ang available stocks sa panahon ng bidding process — imbes na aangkatin pa lamang ito.
Kumbaga, iginigisa ang mga magsasaka at taumbayan sa sarili nilang mantika!
◘◘◘
Binabanggit natin ito upang busisiin munang mabuti ang naunang isinubastang fertilizers bago itakda ang kasunod na subasta na ang gagamitin ay “pork barrel” na hindi nakaprogramang budget ng pamahalaan.
Pumalag na ang mga kongresistang miyembro ng Makabayang Bloc na siyang nagsusulong ng imbestigasyon sa Kongreso.
“The DA must have the sense to out on hold and/or suspend the succeeding bidding for the procurement of an additional P3. 8 billion worth of fertilizer until the questionable bidding and procurement of the P1. 8 billion fertilizer is given clarity,” opisyal na pahayag ng mga kongresista.
◘◘◘
Hindi dapat kinukunsinte ni Pangulong Duterte ang mga buwitre sa gobyerno.
Sa totoo lang, dapat ipatupad ng Pangulo ang paglipol sa mga korup sa pamahalaan higit sa diskarte niya kontra illegal drugs.
Sariwang dugo ang mga magsasaka, ang sinusupsop ng mga buwitreng naka-facemasks!
Comments