P-Digong, mas inuna pa ang pagkakaroon ng 'bodyguard' ni VP kaya sa problema ng bansa
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 28, 2022
IMBES NA MAGPOKUS SI P-DUTERTE SA PROBLEMA NG MAMAMAYAN, PAGTATAG NG VPSPG PARA KAY VP SARA ANG INAATUPAG—Lahat ng mga naging bise presidente ng Pilipinas, ang nagbibigay-seguridad sa kanya at sa kanyang pamilya ay ang Presidential Security Group (PSG), kaya't marami ang napataas ang kilay nang magtatag si AFP Chief Gen. Andres Centino ng Vice-Presidential Security and Protection Group (VPSPG) na magbibigay-proteksyon kay VP-elect Sara Duterte-Carpio at sa kanyang pamilya.
At dahil si P-Duterte pa ang pangulo at commander-in-chief kasi ngayong June 30, 2022 pa siya bababa sa Palasyo, hindi maiaalis sa isipan ng mamamayan na si P-Duterte ang nag-utos kay Gen. Centino na magtatag ng VPSPG.
Mantakin n'yo, ang daming problema ng Pilipinas na nakakaapekto sa pamumuhay ng mga Pilipino, tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, mga bilihin at bayarin sa kuryente at tubig, at ang dapat sana ay dito magpokus si P-Duterte dahil siya pa naman ang pangulo ng bansa, pero ang inatupag ay magtatag sa AFP ng bagong puwersang VPSPG na magbibigay-proteksyon sa kanyang anak na bise presidente at sa buong pamilya nito, buwisit!
◘◘◘
HINDI MAGANDANG TINGNAN NA MAY SARILING PUWERSANG-MILITAR SI VP-ELECT SARA—Sa pag-upo ni P-BBM sa Palasyo ngayong June 30, 2022, dapat ipabuwag agad niya ang VPSPG, at ang PSG ang italagang magbabantay sa seguridad ni VP Sara at kanyang pamilya,
Sa totoo lang, hindi magandang tingnan na may sariling puwersang-militar ang bise-presidente, ito ngang VPSPG, na hiwalay sa puwersang PSG ng pangulo, period!
◘◘◘
DAHIL KINARIR NA NI DR. LORRAINE BADOY ANG PANGRE-RED-TAG, DAPAT NA SIYANG TANGGALIN SA PAGKA-DOKTOR—Bukod sa Alliance of Health Workers (AHW), 17 doktor na rin ang humiling sa Professional Regularity Commission (PRC) na tanggalan ng lisensya sa pagkadoktor si NTF-ELCAC (National Task Force-End Local Communist Armed Conflict) spokesperson, Dr. Lorraine Badoy dahil sa pangre-red-tag o pang-aakusang komunista ang mga health workers.
Dapat talaga tanggalan na ng lisensya si Badoy kasi kinakarir na nito ang pangre-red-tagged kaysa sa pagiging doktor, boom!





Comments