ni Angela Fernando @News | May 15, 2024
Tinanggap ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kamakailan ang mga non-resident ambassador-designate ng Belarus, Ghana, Turkmenistan, Malta, Dominican Republic, at Nicaragua upang palakasin ang ugnayan ng 'Pinas sa mga bansang kanilang kinakatawan.
Kabilang sa mga nagbaba ng kanilang letters of credence kay Marcos ay sina Raman Ramanouski, Non-Resident Ambassador-designate ng Belarus; Florence Buerki Akonor ng Republic of Ghana; Atadurdy Bayramov ng Turkmenistan; at John Busuttil ng Republic of Malta.
Bukod sa kanila, ipinrisinta rin nina Jaime Yorquis Francisco Rodriguez ng Dominican Republic at Sandy Anabell Dávila Sandoval ng Republic of Nicaragua ang kanilang credentials sa Pangulo.
Sa pagtanggap sa ambassador-designate ng Nicaragua, ipinahayag ni Marcos ang pag-asa na patuloy na uunlad ang relasyon ng Nicaragua at Pilipinas sa kabila ng distansya nito.
Samantala, sinabi ng Belarusian Ambassador-designate na si Ramanouski na inaasahan niya ang pag-unlad sa pagtutulungan ng Pilipinas at Belarus.
Comments