P-BBM, ‘pag pumayag sa balik-ICC, UniTeam, buwag na!
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 4, 2023
KASINUNGALINGAN ANG SINABI NI ROQUE NA AYAW NIYANG MATANGGALAN NG PRANGKISA NOON ANG ABS-CBN -- Dahil kasi sa nagbabadyang pagtanggal sa prangkisa ng SMNI network kung saan isa si dating presidential spokesman Harry Roque sa may programa sa network na ito, ang sabi niya (Roque) ay tutol daw siya sa ginagawa ng pamahalaan na panggigipit sa mga mamamahayag, at ayon pa sa kanya, nang tanggalan ng prangkisa ang ABS-CBN noon ay tutol daw siya sa ginawa ng Kongreso, na kung nagkataon daw na kongresista pa siya noon ay boboto raw siya pabor para sa renewal ng prangkisa ng Kapamilya network.
Patunay ‘yan na nuknukan ng sinungaling itong si Harry Roque, kasi nang tanggalan ng prangkisa ng Kongreso ang ABS-CBN noon ay isa siya sa nagbunyi, walang narinig sa kanya ang publiko na ipinagtatanggol niya ang Kapamilya network, at katunayan nga, sa programa noon ni Willie Revillame sa GMA network ay “inaalaska” pa niya ang ABS-CBN nang alisan ito ng Kongreso ng prangkisa, period!
◘◘◘
KAPAG PINAG-JOIN ULI NI P-BBM SA ICC ANG ‘PINAS, KAWALAN NG RESPETO ITO SA MAG-AMANG DUTERTE -- Alam naman ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na ayaw ng mag-amang ex-P-Duterte at Vice Pres., Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio na panghimasukan ng dayuhang korteng International Criminal Court (ICC) ang justice system ng Pilipinas.
Bilang respeto sa ex-president at ka-UniTeam niyang si VP Sara, dapat ay alisin na ni P-BBM sa kanyang isipan ang mag-rejoin ang bansa sa ICC, kasi kapag ipinamiyembro uli ni Pres. Bongbong ang ‘Pinas sa ICC ay indikasyon na ‘yan na ayaw na niyang makipag-UniTeam sa pamilya Duterte, boom!
◘◘◘
32 YEARS NA, PATUNAY NA MATATAG ANG BULGAR, BOSES NG PINOY, MATA NG BAYAN --Nitong nakalipas na Dec. 2, 2023 ay ipinagdiwang ng pahayagang BULGAR ang ika-32 taong anibersaryo.
Ibig sabihin ay 32 years nang naglilingkod sa mga Pilipino ang BULGAR (Boses ng Masa, Mata ng Bayan) sa paghahatid ng mga balita, libangan at serbisyo-publiko. Patunay na rin ng pagiging matatag ang ating pahayagan.
Sa lahat ng tumatangkilik sa BULGAR, at maging sa Online BULGAR, maraming salamat sa inyong lahat!





Comments