P-BBM, nagsori sa temporary shutdown ng airports
ni Lolet Abania | January 6, 2023

Humingi ng paumanhin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa naganap na temporary shutdown sa airspace ng bansa noong araw mismo ng Bagong Taon.
“I’m sorry, we have to apologize to our kababayans, especially those who came from abroad dahil limitado ang kanilang bakasyon... nawala ‘yung dalawa o tatlong araw eh,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Kami ay humihingi ng inyong paumanhin at gagawin namin ang lahat upang hindi na maulit ito,” dagdag niya.
Isang araw matapos dumating mula sa kanyang state visit sa China, nagsagawa si P-BBM ng ocular inspection sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ipinabatid din ng mga awtoridad sa Pangulo kung ano ang nangyari sa Philippine Air Traffic Management Center (ATMC), na nakaapekto sa libu-libong mga pasahero ng airport.
Ayon sa Pangulo, hinarap naman ng mga awtoridad at airport officials ang mga pangangailangan ng mga pasahero na apektado ng shutdown.
“Hindi naman sila basta pinabayaan na lang at we left them to their own devices. We try to support them in every way. We were giving... we were able to give... magpakain nga and then the malasakit packs that MIAA has,” saad ni P-BBM.
“The most important thing is makarating na sila doon sa kanilang talagang destination,” sabi pa niya.
Sinabi ng Pangulo na tinalakay na rin niya sa mga concerned officials ang mga kailangang paraan o measures upang matiyak na hindi na mangyayari pa ang insidente.
“Right now we can say the system was down for about six and a half hours on January 1 at nakabalik naman kaagad. Ngayon ang pinag-usapan namin para hindi na mangyari ulit. Mayroong mga pieces of equipment na mukhang nagka-problema, kaya’t nagkaganito, kaya naputulan ng kuryente, kaya nag-down ‘yung buong system,” paliwanag ni Pangulong Marcos.
Anang Punong Ehekutibo, plano na rin ng kanyang administrasyon hinggil sa tinatawag na “on the future redundancies for the system,” na harapin agad ang sitwasyon sakaling ang katulad na insidente ay mangyari uli.
“So kung mayroon mangyari ulit na ganito, mayroon tayo kaagad na kapalit. Hindi na tayo aabot ng anim na oras. Siguro mahaba na ‘yung ilang minuto lang,” sabi ng Chief Executive.
“Well, UPS is an uninterrupted power supply so for more or less dapat uninterrupted talaga. It’s extremely important especially during Christmas season at alam naman natin napakarami ng mga Pinoy na lumilipad mula sa abroad at pumupunta sa kani-kanilang mga probinsya,” saad ng Pangulo.
Inatasan na rin ni Pangulong Marcos si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na pabilisin o i-fasttrack ang lahat ng kailangang negosasyon sa mga suppliers na maaaring makatulong sa gobyerno para sa pag-upgrade ng naturang system.
“Beyond that, is to have a proper backup system so if the whole system fails, like it did on January 1, we have a complete system ready to go. ‘Yun lamang, that might take a little time but that is something that we will try to fasttrack as quickly as possible,” ani P-BBM.





Comments