top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

P-BBM, may solusyon sana sa epekto ng pandemya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin

BULGAR
Jul 23, 2022
2 min read

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | July 23, 2022


Tulad ng marami nating kababayan ay inaantabayanan natin ang magiging State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..


Sa pagbubukas ng Kongreso bukas ay inaasahan natin na klarong ilalatag ng Pangulo ang kanyang road map para sa Pilipinas sa susunod na anim na taon.


Nais nating marinig ang direksyon na dapat tahakin ng bansa, lalo na ang mga konkretong plano ng kanyang administrasyon.


Dahil ito ang unang SONA ng Pangulo ay nais nating mapakinggan kung anu-ano ang mga pangunahing polisiya at programa na nais niyang maisakatuparan sa tulong ng Kongreso.


☻☻☻


Kasama sa mga inaasahang babanggitin ng Pangulo ay ang plano niya sa mga pangunahing isyu, tulad ng pag-ahon ng bansa mula sa epekto ng pandemya at pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.


Matatandaan na muling tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa, na dulot ng mas nakahahawang subvariants ng Omicron strain ng virus.


Dagdag pa rito ang domino effect ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa ating ekonomiya, na nagpapataas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin.


Marami sa ating mga kababayan ang lalo pang naghihigpit ng sinturon upang magkasya ang budget para sa pagkain at iba pang batayang pangangailangan.


Napipilitan ding tumigil ang ilang driver sa pamamasada, na nagdudulot naman ng kakulangan ng pampublikong transportasyon.


Partikular na apektado rito ang mga manggagawa, na araw-araw na kinahaharap ang haba ng pila upang makarating sa trabaho sa oras at makauwi mula rito.


☻☻☻


Umaasa tayong bibigyan ng agarang tugon ng pamahalaan ang mga pangunahing isyung ito.


Apektado nito ang lahat ng mga Pilipino, lalo na ang mahihirap at iba pang bulnerableng sektor ng lipunan.


Nakahanda naman ang Kongreso na umupo kasama ang Ehekutibo, lalo na at malapit na ang pagdinig ng pambansang badyet, upang matugunan ang mga problemang ito.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page