P-BBM, kapit-tuko sa DA, nganga naman vs. smugglers at hoarders
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Enero 23, 2023
P-BBM NGANGA SA AYUDA SA MAGSASAKA, TAAS-PRESYO, AGRI-SMUGGLERS AT CARTELS, TAPOS AYAW PANG BITAWAN PAGIGING HEAD NG DA -- Sa kabila ng mga panawagang bitawan na ni Pres. Bongbong Marcos ang pagiging acting secretary ng Dept. of Agriculture (DA) at magtalaga na ng permanenteng DA sec. na tututok sa agrikultura at pagtulong sa mga magsasaka kasi nga masyadong nagtataasan na ang presyo ng mga produktong pagkain dulot ng kakapusan ng food supply sa Pilipinas, ay nanindigan si P-BBM na hindi niya bibitawan ang pamumuno sa DA.
Oks lang sana na huwag bitawan ni P-BBM ang pamumuno sa DA kung nagpapakita siya ng suporta sa mga magsasaka, napapababa ang presyo ng mga pagkain at ipinahuhuli ang mga agri-smugglers at agri-cartels at hoarders, pero nganga siya sa mga problemang 'yan, tapos ayaw pa niyang bitawan pagiging acting Agriculture secretary, tsk!
◘◘◘
DAPAT MAGTALAGA NA SI P-BBM NG PERMANENTENG DA SEC KASI HINDI SIYA EPEKTIB PAMUNUAN ANG AGRI DEPARTMENT -- Mag-aanim na buwan na si P-BBM bilang head ng DA, at sa halos anim na buwan na ito ay puro daing ang naririnig sa mga magsasaka sa kawalan ng ayuda at daing ng mamamayan sa sobrang taas ng presyo ng mga produktong pagkain.
Ibig sabihin nito, hindi epektib ang pamumuno ni P-BBM sa DA, kaya't sana pakingggan na niya ang panawagan ng iba't ibang sektor, maging ang panawagan sa kanya ng ate niyang si Sen. Imee Marcos na bitawan na niya ang pagiging acting sec ng Agriculture department at magtalaga na siya ng permanenteng mamumuno sa departamentong ito, period!
◘◘◘
PILOSOPONG DA SPOKESMAN AT KONGRESISTA --Noong December 27, 2022 dahil sa sobrang mahal ang presyo ng per kilo ng sibuyas ay sinabi ni Agriculture spokesman Rex Estoperez na kung namamahalan daw sa per kilo ng sibuyas ay huwag bumili ng isang kilo, at nitong January 20, 2023, ang sabi naman ni Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco, kung namamahalan pa rin daw ang mamamayan sa presyo ng sibuyas, ay huwag na lang daw ipilit na kumain ng sibuyas.
Hay naku, imbes magkaisa ang Agriculture department at Kongreso kung paano sosolusyunan ang problema sa mataas na presyo ng sibuyas, eh ang pinagkakaisahan ay pilosopohin ang mamamayan sa taas-presyo ng sibuyas!
◘◘◘
ALEX GONZAGA, PINUTAKTI NA NAMAN NG BATIKOS, ISYUNG PAMAMAHID NIYA NG CAKE SA MUKHA NG WAITER, GINAWANG JOKE SA CONCERT NI TONI -- Pinuputakti na naman ng batikos sa social media si Alex Gonzaga patungkol sa isyung pamamahid niya ng cake sa mukha ng waiter noong kaarawan niya.
Ang batikos ng netizens ay hindi raw pala sincere si Alex sa pagso-sorry sa ginawa niya sa waiter, kasi ang ginawa niyang 'yun na pambabastos o pamamahiya sa waiter, ay ginawa pang joke sa concert ng Ate Toni niya, tsk!





Comments