P-BBM, inatasan ang CHED na tugunan ang kakulangan ng nars sa bansa
ni Ryan Sison @Boses | March 31, 2023
Inatasan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Commission on Higher Education (CHED) na tugunan ang kakulangan ng mga nars dahil sa migrasyon, na nakakaapekto sa pagkakaroon ng epektibong pangangalagang pangkalusugan sa ating bansa.
Giit ng Pangulo sa isang pulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) Healthcare Sector group sa Malacañang, “We have to be clever about the healthcare manpower. Our nurses are the best, buong mundo na ang kalaban natin dito”.
Binigyang-diin pa ng Pangulo na lahat umano ng nakakausap niyang Presidente at Prime Minister ay naghahanap ng maraming Pinoy nurses.
Kasabay nito, hinihingi ng Pangulo sa CHED ang mga konkretong hakbang upang mapanatili ang mga Filipino nurse na nagtatrabaho sa bansa.
Tugon naman ni CHED Chairperson Prospero de Vera III, nagsasagawa na ng mga interbensyon ang CHED upang matugunan ang kakulangan ng mga nars sa ‘Pinas, kabilang ang pag-retool sa mga bumagsak sa board examinations, pagpapatibay ng nursing curriculum na may exit credentials, pag-redirect ng mga hindi nagsasanay na nars, at pagsasagawa ng mga exchange program sa ibang mga bansa.
“Under the nursing curriculum with exit credentials, students could have several options: exit at the end of Level I or II, obtain the certificate or diploma in nursing, or choose to continue and finish the four-year nursing program to become a registered nurse,” ulat ni De Vera sa grupo ng PSAC Health Sector.
Dagdag pa ni De Vera, gumagawa na ang CHED ng flexible short-term masteral program para matugunan ang kakulangan ng mga instructor sa nursing at medical schools.
Samantala, tinitingnan na rin ng Department of Health (DOH) ang kalagayan ng panukalang-batas sa Magna Carta para sa Public Health Care Workers and Philippine Nursing Act, habang ginagawa ang pag-aaral sa standardization ng suweldo ng mga nurse, doktor at healthcare workers.
Hindi matitatanggi na maraming magagaling na propesyunal sa ‘Pinas. Ngunit sa kadahilanang hindi sapat ang mga benepisyong nakukuha nila sa Pilipinas, marami ang mas pinipiling makipagsapalaran sa ibang bansa.
Pero kung matutugunan ng bansa ang mga kasalukuyang problema na kinakaharap ng ating mga nurse, doktor at healthcare workers ukol sa pasilidad, kagamitan, benepisyo o suweldo, marami ang mananatili rito sa ‘Pinas at tataas ang bilang ng mga mag-aaral na kukuha ng kursong Nursing o pagdo-doktor
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments