P-BBM, dapat pababain ang presyo ng bilihin sa palengke, 'wag puro kadiwa!
- BULGAR
- Jun 22, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | June 22, 2023
ANG DAHILAN KAYA MATAAS ANG PRESYO NG MGA BILIHIN, BAYARIN, TOLL FEE HIKE AT LRT FARE HIKE PARA MAKALIKOM NG MALAKING TAX PAMBAYAD SA INIWANG P13-TRILYONG UTANG NG DUTERTE ADMINISTRATION -- Isa lang ang dahilan kung bakit hindi na bumababa ang presyo ng mga bilihin at bayarin, nagtaas pa ng toll fee ang North Luzon Expressway (NLEX) at may nagbabadya pang taas-pasahe sa LRT 1, LRT 2 at MRT.
Ang rason ng mga pahirap na ito ng pamahalaan sa mamamayan ay upang makalikom ng malaking buwis ang Marcos administration para makapagbayad kahit pautay-utay sa iniwang higit P13 trilyong utang ng Duterte administration, period!
◘◘◘
MAS TATAAS PA ANG PRESYO NG MGA BILIHIN, BAYARIN, TOLL FEE AT PASAHE KAPAG 'NAGLAHONG PARANG BULA' ANG P500-B MAHARLIKA INVESTMENT FUND -- Kapag ang P500 billion Maharlika Investment Fund (MIF) ay nakurakot o nalugi, asahan na ng mamamayan na mas lalo pang tataas ang presyo ng mga bilihin, bayarin, toll fee at pasahe.
Nakasaad kasi sa probisyon ng MIF na inaprub ng mga senador at kongresista, na kapag "naglahong parang bula" ang P500-B M Maharlika Investment Fund, ang mananagot magbayad nito ay mga tax payers o ang mamamayan, boom!
◘◘◘
HINDI MAGBABAHAY-BAHAY ANG GOBYERNO PARA MANINGIL, KUNDI ANG LAGING TAKTIKA, MAGTAAS NG TAX PARA MASINGIL SA MAMAMAYAN --Kung may mga mamamayan na magsasabing kapag nakurakot o nalugi ang P500-B MIF ay hindi naman sila magbabayad dahil wala naman silang pambayad, mali sila diyan. Kasi sa totoo lang ay hindi naman gagawin ng gobyerno na puntahan ang bawat bahay ng mga Pilipino para singilin, kundi ang gagawing taktika ng pamahalaan ay mas itaas ang presyo ng mga bilihin, bayarin, toll fee at pasahe upang makalikom ng malaking tax para ipambabayad sa mga pinagkunan ng pondo sa MIF, tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Land Bank of the Philippines (Landbank), Development Bank of the Philippines (DBP), Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), PhilHealth, Pag-IBIG Fund, period!
◘◘◘
SA ANIBERSARYO NG DA, DAPAT ANG IBIDA NI P-BBM ANG MABABANG PRESYO SA MGA PALENGKE AT HINDI MABABANG PRESYO SA MANGILAN-NGILANG KADIWA STORES -- Sa pag-umpisa ng isang linggong selebrasyon ng ika-125 taong anibersaryo ng Dept. of Agriculture(DA) ay ibinida na naman ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang mga murang bilihin sa mga Kadiwa Stores.
Hay naku, hindi ‘yang murang mga paninda sa Kadiwa Stores ang nais marinig ng mamamayan, kundi ang murang paninda sa mga palengke at grocery stores, kasi sa totoo lang ay hindi naman alam ng karamihan sa mamamayan, lalo na ng mga mahihirap kung saan matatagpuan ang mangilan-ngilang Kadiwa Stores, boom!





Comments