P-BBM, after mambola sa SONA, mag-a-abroad naman, takas sa mga reklamo sa taas-presyo
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | July 25, 2023
ISANG ARAW MATAPOS UNGGUYIN NI P-BBM ANG PINOY SA KANYANG SONA, ANG KABUNTOT NA PAHIRAP AY OIL PRICE HIKE — Kahapon ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (P-BBM), at ngayong araw naman ay nagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo ang mga oil companies, at siyempre may permiso ito ng mga appointee ng Presidente sa Energy Regulatory Commission (ERC) kasi hindi naman puwedeng magpairal ng oil price hike ang mga kumpanya ng langis kung wala itong pahintulot mula sa gobyerno.
Ang nais nating ipunto rito, isang araw matapos ungguy-ungguyin ni P-BBM sa kanyang SONA ang publiko, ay kabuntot nito ay oil price hike na dagdag-pahirap sa mamamayan, tsk!
◘◘◘
TIMING ANG PAGLABAS SA BANSA NI P-BBM KASI HINDI NIYA MARIRINIG ANG BATIKOS SA KANYA SA PANIBAGONG OIL PRICE HIKE — Ngayong araw ang alis ni P-BBM kasama ang kanyang mga alagad para sa 3 araw na state visit sa Malaysia, at ngayong araw din ang dagdag-taas sa presyo na P1.65 sa kada litro ng gasolina, P.55 sa kada litro ng diesel at P.60 sa kada litro ng kerosene.
Timing na timing ang paglabas sa bansa ni P-BBM kasi hindi niya maririnig ang batikos ng publiko sa Marcos admin patungkol sa panibagong oil price hike, period!
◘◘◘
LAGAPAK ANG ‘PINAS SA RANK 106 SA 'RANK BY INTELLIGENCE' KASI SANGKATERBA ANG 'BOBOTANTENG' PINOY — Sa bagong datos na inilabas ng WiseVoter na nakabase sa San Francisco City, California, USA patungkol sa "Countries Rank by Intelligence" o mga bansang may matatalinong mamamayan, ay nag-rank number 1 ang Japan, na ibig sabihin ay maraming matatalinong Japanese, at ang Pilipinas naman ay lagapak sa rank 106.
Masakit man tanggapin ay may katotohanan ang datos na ito ng WiseVoter, na maraming bobo sa Pilipinas at patunay d’yan ang ginagawang pagboto ng sangkaterbang bobotante sa mga buwayang traditional politician (trapo), boom!
◘◘◘
HINDI MAN AMININ, MASAKIT SA DIBDIB NI EX-P-DUTERTE ANG PATULOY NA PAGLAWAK NG OPERASYON NG ABS-CBN — Inanunsyo ng ABS-CBN ang nalalapit nilang pakikipag-partner sa Home Box Office (HBO) network na pag-aari ng Warner Bros. Discovery na nakabase sa United States.
Hindi man aminin, tiyak masakit ito sa dibdib ni ex-P-Duterte kasi noong June 2022 ay ibinida pa niya sa publiko na ginamit daw niya ang kanyang kapangyarihan bilang Presidente ng bansa para hindi bigyan ng Kongreso ng prangkisa ang ABS-CBN sa hangarin niyang mapabagsak ang pamilya Lopez, pero bigo siya kasi 'yung akala niyang mapapabagsak niya ang Kapamilya network ay hindi nangyari, kasi mas lumawak pa ang operasyon nito, nakipag-partner sa GMA network, TV 5, A2Z, pati ang 6:30 am band sa radyo ay open na sa pamamagitan ng joint venture ng ABS-CBN at Prime Media Holdings, at ngayon sa HBO naman, period!





Comments